Nanganganib mawala ang aktor sa regular na programa nito sa telebisyon dahil nagiging problema siya ng production staff.
May "incurable tardiness" ang aktor na madalas na nahuhuli sa call time kaya apektado na ang trabaho niya, pati na ang kanyang mga co-star na kilala sa pagkakaroon ng disiplina at propesyonalismo.
Wala pang isang taon nang ipakilala ang “the late actor” at ang ibang mga kasamahan niya bilang mga bagong mukha sa telebisyon na malaki ang potensiyal sumikat.
Bago inilunsad ang aktor at ang mga kasabayan niya, sumailalim sila sa iba’t ibang mga workshop bilang paghahanda sa pagsabak sa mga programang ipinagkaloob sa kanila.
Pero panandalian lamang ang lahat dahil makalipas lamang ang ilang buwan, nawalan ng mga TV show ang mga kasabayan ng aktor. Kasunod na sana siyang matatanggal sa trabaho pero hindi natuloy dahil sa suporta ng dalawang co-stars niya na magiliw na magiliw sa kanya.
Pero may hangganan ang pagmamalasakit at pagiging padrino ng mga co-star ng aktor dahil hindi panghabampanahon ang pagtatakip na gagawin nila sa kanyang mga pagkukulang at unprofessionalism.
Habang maaga pa at nabibigyan siya ng pagkakataon, dapat baguhin ng aktor ang hindi nito kanais-nais na ugali at trato sa trabaho na ipinagkatiwala sa kanya. Marami ang puwedeng maging kapalit niyang mas mahusay at may respeto sa oras ng ibang mga tao.
"Struggling star" ang aktor bago nabigyan ng malaking break sa telebisyon kaya hindi niya dapat sayangin ang oportunidad na ipinagkaloob ng network management na sumugal sa kanya pero tila nagkamali sa kanilang tinayaan.