Ang masusugid na tagahanga ng aktres ang pinaghihinalaang nakipag-ugnayan sa isang sangay ng pamahalaan kaya nalaman ng mga tauhan nito ang pang-aabusong naranasan ng aktres mula sa kanyang dating karelasyon.
Nagulat ang aktres nang makatanggap ito ng tawag mula sa awtoridad na inaalok siya ng tulong para magkaroon ng katarungan ang karahasang natikman niya sa kamay ng lalakeng kanyang minahal noon.
Nais ng awtoridad na paimbestigahan ang mga pangyayari pero pinili ng aktres na manahimik.
Sinunod niya ang payo ng isang malapit na kaibigan—ang magpatawad at ipaubaya na lamang sa Panginoong Diyos ang paghuhusga kesa siya ang maging dahilan para masira ang kinabukasan ng kanyang “tormentor.”
Nasaktan man nang husto ang aktres sa ginawa ng dating karelasyon, ayaw niyang limang taon mula ngayon, makakaramdam siya ng guilt o pagkakasala dahil may isang taong nasira ang buhay at propesyon na epekto ng kanyang pagsisiwalat sa katotohanan.
Nakatuon sa kasalukuyan ang atensiyon ng aktres sa showbiz career nito para unti-unting matakasan ang malulungkot na karanasang nagturo sa kanya ng maraming aral.
"Moving forward" ang aktres dahil imbes na magmukmok at pairalin ang lungkot, ni-reinvent ang sarili.
Pagpapaganda nang husto ang kanyang inaatupag pero hindi pa siya nagpapalit ng hairstyle na nakasanayan nang gawin ng mga babaeng nasawi sa pag-ibig.