Nanawagan ang award-winning director na si Zig Dulay ang Firefly dahil konti lamang ang mga sinehan sa SM Malls na pagtatanghalan ng kanyang pelikula.
Ang Firefly opisyal na kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) na mag-uumpisa sa Disyembre 25, 2023.
Si Alessandra de Rossi at ang child actor na si Euwenn Mikaell ang mga pangunahing bida sa pelikula ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Tumanggap ng mga papuri mula sa mga manonood at mga film critic ang Firefly nang magkaroon ito ng blue-carpet premiere sa isang sinehan sa Quezon City noong Disyembre 12, 2023.
Mensahe ni Direk Zig sa publiko bago mawala sa mga sinehan ang pelikulang ipinagmamalaki niya:
“Mga kapitbahay, kokonti lang ang sinehan para sa Firefly. Please, manood kayo sa mga piling-piling sinehan sa Dec. 25. Unahin n’yo na kasi baka tuluyang mawala. Ginawa namin ang pelikula para sa inyo.”
Nakakuha ng simpatiya si Direk dahil marami ang nakiisa sa kanya at nagbahagi sa social media ng panawagan niya.
Simula sa Disyembre 25, 2023, mapapanood lamang ang Firefly sa labindalawang sinehan ng SM Malls, pero itatanghal din ang nabanggit na pelikula sa mga piling sinehan ng Ayala Malls, Robinson Mall, at Gateway Mall.
Tulad ng Penduko, G ang classification na ibinigay ng MTRCB sa Firefly kaya puwedeng-puwedeng manood ang maliliit na bata at mga matatanda.
Read: Christopher de Leon at Eugene Domingo, may agaw-eksenang paandar kahit magkalaban sa MMFF 2023
Limitado man ang mga sinehan na pagtatanghalan sa SM Malls ng Firefly, makatutulong ang word of mouth na maganda ang pelikula para tangkilikin ito ng manonood.
Base sa mga film critic review at sa mga papuri ng mga dumalo sa blue-carpet premiere, malakas ang laban ng Firefly sa Best Picture category ng MMFF 2023.
Kapag pinalad manalo, tiyak na madaragdagan ang mga sinehanng pagtatanghalan kaya mababawasan ang kalungkutag nararamdaman ngayon ng lahat ng mga bumubuo sa produksiyon.