Dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas mula nang sumailalim sa cornea transplant surgery si Maureen Larrazabal pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya nakikilala ang pamilya ng kanyang cornea donor dahil sa confidentiality agreement sa pagitan ng doktor at ng mga kamag-anak ng pumanaw.
“Nangulit talaga ako noon para malaman ko ang pangalan ng donor ko pero confidential talaga.
“I have a feeling na lalake ang donor ko. I don’t know but I just have this pakiramdam na lalake siya at sure ako na lalake siya,” pahayag ni Maureen nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Sabado, Disyembre 16, 2023 tungkol sa Christmas story na nais niyang ibahagi sa lahat.
Hindi man niya nakilala ang katauhan ng cornea donor at maaaring hindi rin alam ng mga kamag-anak nito na siya ang recipient, sa muling pagsapit ng araw ng pagsilang ni Hesus, nais na iparating ni Maureen sa mga kinauukulan ang kanyang taos-pusong pasasalamat.
“Sa donor ko and his parents, thank you.I am living a purposeful life dahil po sa anak ninyo, tinuruan niya ako to be kind all the time since everyone is going through something we do not know about.
“Walang excuse ang pagtulong dahil ang anak nga ninyo, even after death, tumutulong pa rin through me.
“Yung halo sa mata ko, everytime na nasisinagan ng light ang reminder of how grateful I am to my donor and his family,” ang lahad ni Maureen tungkol sa karanasan nitong kapupulutan ng aral ng mga gumagamit ng contact lens dahil sa kanyang muntik na pagkabulag noon.
“It happened during my Kool Ka Lang [GMA-7 sitcom] days. I went to Hong Kong for a vacation.
“My vision then was 250, so gumamit ako ng contact lens para hindi na hassle ang paggamit ng eyeglasses nang magpunta ako sa Mongkok night market.
“Nang bumalik ako sa hotel at dahil sa sobrang pagod nakatulugan ko ang lens na when it becomes dry para siyang bubog on the eye, tumitigas.
“During my sleep, unknowingly, I slit open the cornea dahil makati so, kinamot ko.
“Pag gising ko the next day, my left eye was already tearing, tapos may pakiramdam na parang may hair strand ang paningin ko kaya hindi na komportable.
“I had to cancel my Victoria Peak visit sa second day ko sa Hong Kong para magpa-check up sa ospital dahil may discomfort na sa light and sound.
“Feeling nangingilo ako when there's light at malakas na tunog. The Hong Kong doctors were not then well-versed in English. Sabi nila ‘Go home blind.’"
“Yun na lang ang narinig ko at nagrehistro sa akin kaya nag-chance passenger agad ako pabalik sa Pilipinas but before I left the hospital, they patched my eye dahil grabe na ang sakit.
“Night time na ako nakasakay ng eroplano pabalik sa Manila. I went straight to Makati Medical Center dahil hindi ko na maidilat ang mata ko pero aninag ko ang mga tao.
“When the doctor removed the patch, napaatras siya dahil may pus na nag-drip from my eye.
“Sabi niya, pseudomonas bacteria infected the wound which I probably got from the hospital in Hong Kong, and the patching of my eye worsened everything dahil mas naging active ang bacteria,” ang kuwento ni Maureen tungkol sa nangyari na sanhi para tatlong linggo siya na naratay sa ospital dahil gumapang na rin ang bacteria sa kanyang kanang mata.
“Wala na akong nakikita. Malabo na ang right eye ko at totally blocked na ng scar ang left eye ko kaya practically blind na ako.
“One reason why I remained loyal to GMA-7 for almost 17-years was because during my lowest point, they gave me hope by allowing me to still work by wearing shades. Lumiit na kasi ang left eye ko dahil sa muscle na hindi nagagamit at sa trauma caused by the injury.
“At the time, I have a brother and a sister to put to school, tapos sagot ko lahat ang household expenses.
“Natural na super takot ako noon at bumagsak talaga ang self-esteem ko,” ang pagsisiwalat ni Maureen na nakatikim ng mga panghuhusga na matindi ang naging epekto sa kanya.
“I experienced being called names like bulag na girlfriend, bulag na babae, walang silbi, pero mas masakit yung mga hindi nagsasalita pero pinagtatawanan ang kalagayan ko.
“I was bullied by people I don't know pero mas masaklap kapag kilala mo at yung mga close sa iyo, naniwala rin na wala na akong pag-asa.
“They treated me na wala nang kuwenta plus the name calling by those who never liked me. Nakilala ko silang lahat.
“It lasted for about two years na ganoon ang sitwasyon dahil matagal ang healing sa loob ng mata. We waited for a donor na almost my age para hindi magkaroon ng rejection once I get operated on.
“During that time, bihira ang mga nawawala o namamatay na aware na puwedeng i-donate ang any part of their body, lalo na kung bata pa.
“Finally, nakabili na ako ng cornea from my anonymous donor. Sobrang bait ng doktor ko, si Dra. Minguita Padilla who was the best in her field at that time.
“She supported me all the way na halos parang second parent ko na siya. Palagi niya akong kinukumusta. I tried asking her who my donor was pero never niya na sinabi sa akin.
“During the surgery, yung procedure parang cookie cutter na tinanggal ang part na may scar saka inilagay ang cornea ng donor. I think eighteen ang micro stitches sa mata ko.”
Malaki ang pagpapahalaga ni Maureen sa karanasan niya noon, dahil bukod sa mga natutunan na aral, lalong tumatag ang kanyang pananalig sa Poong Maykapal.
“Imagine how some people we know sometimes even close to us na buhay can cause so much damage and pain sa atin samantalang someone who already passed, hindi kami magkakilala but he gave my life back to me. Even in death, he had a purpose.
“The experience made me realize so many things pero dalawa ang tumatak talaga sa akin — ang gratitude to what GOD has given to us for free na huwag i-take for granted dahil hindi natin malalaman how important something is until it's gone.
“Not everyone is given a second chance like what happened to me na I was able to see again.
“Second, huwag nang maging mapaghanap sa buhay at bigyan natin ng importansya ang freely given to us by God because what is freely given pala ang mga pinaka-importanteng bagay sa buhay.”