Makalipas ang dalawampu’t limang taon, muling magbabalik sa ABS-CBN si Butch Francisco bilang host ng Best Ten Bets, isang bagong infotainment program.
Mapapanood ito sa TFC at sa lahat ng platforms ng Kapamilya Network.
Ilan sa mga pag-uusapan sa Best Ten Bets ang sampu sa mga pinamahuhusay na pelikula, ang sampu sa mga itinuturing na Reyna ng Pelikulang Pilipino, sampu sa mga pinakamahuhusay na batang aktor.
Isa-isang ipapaliwanag ni Butch—at ang co-host na si Leo Katigbak—ang mga dahilan ng kanilang pagpili sa mga personalidad.
Mapapanood sa Enero 6, 2024 ang unang kabanata ng Best Ten Bets.
Ito ang pagbabalik ni Butch sa ABS-CBN matapos maging co-host ng Startalk ng GMA-7 mula 1998 - 2015.
Ang Showbiz Lingo ang unang programa ni Butch sa ABS-CBN mula 1992 - 1998.
Noong 1999, si Butch ang kinuha ng GMA-7 na kapalit ni Boy Abunda bilang host ng Startalk dahil lumipat ang huli sa ABS-CBN.
"I am very happy to be back after 25 years. That was where I started," ang pahayag ni Butch tungkol sa muli nitong pagkakaroon ng programa sa ABS-CBN.
"Umalis ako ng February 1998, tapos nag-aral ako sa States.
"Pagbalik ko sa Pilipinas, tamang-tama, kailangan nila ng host ng Startalk. Sixteen years ako sa Startalk. Sa ABS-CBN, five and a half years."
Kahit na matagal nawala sa ABS-CBN ay lagi raw siyang may komunikasyon kina Charo Santos-Concio, dating CEO at presidente ng ABS-CBN, at Cory Vidanes, Chief Operating Officer ng Kapamilya Channel.
"I never severed ties with ABS-CBN," ani Butch.
"Now, I’ve come full circle. Nag-TV5 ako as an actor for two seasons of Tukhang, a crime drama.”