Todo suporta sa kanyang asawang si Matteo Guidicelli si Sarah Geronimo.
Dumalo ang movie star sa red-carpet premiere ng Penduko sa Cebu City noong Disyembre 19, 2023 at sa premiere night ng pelikula sa SM Megamall Cinema noong Biyernes, Disyembre 22, 2023.
Bukod sa launching movie at pinakamalaking proyekto ni Matteo bilang aktor ang Penduko, ito ang unang pelikula niyang opisyal na kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival na magsisimula bukas, Lunes, Disyembre 25, 2023.
At dahil buong-buo ang suporta ni Sarah kay Matteo, may mga umaasang masisilayan siya sa Christmas Day theater tour ng mister, tulad nang pagsipot niya sa red-carpet premiere ng Penduko sa Cebu at Metro Manila.
Magiging kakaiba ang pagdiriwang ni Matteo ng Pasko dahil sa kauna-unahang pagkakataon, mararanasan ni Matteo na bisitahin ang mga sinehan sa Metro Manila (South to North cinemas) sa araw ng Pasko para makapiling ang mga tatangkilik sa kanyang pinagbibidahang pelikula.
Binigyan ng G classification ng MTRCB ang Penduko.
Ikinuwento ni Matteo na "adjusted" na ang lahat sa plano niyang mag-ikot sa araw ng Pasko sa mga sinehan na pagtatanghalan ng Penduko.
"Adjusted na adjusted, hundred percent kay Sarah and everybody. Priority po natin, MMFF, December 25. Masaya naman po ako na agree silang lahat.
"This December 25, sinehan muna tayong lahat. Nag-okay naman silang lahat. Theater tour tayo.
"Penduko has really a good story, really good lessons and, I believe, it’s a good example for the kids. I believe Penduko has a great lesson for our kabataan.
"Naniniwala ako na kung ano yung inilalabas namin sa Internet, sa pelikula, sa music, it influences the hearts and minds of the people, especially ang mga kabataan.
"We always say we want a better country, we want a better future, I think it starts with the movies and the content we create. It’s very very important," ang may pagmamalaking lahad ni Matteo tungkol sa Penduko.
Pagkatapos ng cinema run ng Penduko, ang patutuunan ni Matteo ng pansin ay ang Philippine adaptation ng 2015 South Korean romantic comedy movie, Wonderful Nightmare, na ipalalabas sa mga sinehan sa 2024 at pagbibidahan nila ni Sarah.