Dalawang pelikula ang agad natanggap na mga alok ng 10-year-old child star na si Euwenn Mikaell matapos siyang manalo na Best Child Performer.
Nangyari ito sa Gabi ng Parangal ng 49th Metro Manila Film Festival, na idinaos sa New Frontier Theater noong Disyembre 27, 2023.
Nanalo si Euwenn para sa kanyang mahusay na pagganap sa karakter ni Tonton sa Firefly, ang hinirang na Best Picture ng film festival.
“Middle child” siya sa anim na magkakapatid, ang kuwento ni Euwenn nang makausap siya ng Cabinet Files.
Nabanggit naman ng nanay ni Euwenn, na si Crystal, na gusto rin ng ibang mga anak niyang pumasok sa showbiz pero hindi pa niya maasikaso.
“Kay Euwenn pa lang po, kulang na ang oras ko,” ang sabi ni Crystal na nakatutok at palaging kasama ni Euwenn sa showbiz commitments nito.
Naninirahan ang pamilya ni Euwenn sa Meycauyan, Bulacan, noong kasagsagan ng mga promo guesting niya para sa Firefly, at maaga silang lumuluwas ng kanyang ina sa Metro Manila.
Ngayong Sabado, Disyembre 30, 2023, muling lumuwas si Euwenn sa Quezon City dahil magkasama sila ng award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho sa pagbisita sa mga sinehan sa Quezon City na pinagtatanghalan ng Firefly para sorpresahin ang manonood.

Nadagdagan ang bilang ng mga sinehan na pinaglalabasan ng pelikula dahil sa mga Best Picture at Best Child Performer awards na natanggap.
Kaya personal na pinasalamatan nina Euwenn at Jessica ang mga tumangkilik sa proyekto ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Mga co-star ni Euwenn sa Firefly ang reel-at-real loveteam nina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega.
Bago pa inamin ng dalawa ang kanilang relasyon, nauna nang naibulgar ni Euwenn ang boyfriend-girlfriend relationship nina Miguel at Ysabel dahil nakita niya ang ikinikilos ng mga ito sa set ng kanilang pelikula.
“Alam ko na po dati pa po na mag-girlfriend-boyfriend sila, kasi po ginagawa pa lang namin yung movie, meron na silang sariling van. Silang dalawa lang po doon.
“Sila ang laging magkatabi. Hindi ko pa po nakita [na holding hands] kasi nasa set sila.
"Lagi nilang sinasabi, ‘Hindi kami mag-girlfriend-boyfriend,’ pero halata na e,” ang pambibisto ng 10-year-old sa tunay na relasyon nina Miguel at Ysabel.