Inamin ng award-winning director at writer Jason Paul Laxamana na siya ang tinutukoy na male showbiz personality na namataang humahagulgol ng iyak sa loob ng New Frontier Theater matapos ang Gabi ng Parangal ng 49th Metro Manila Film Festival na ginanap noong Disyembre 27, 2023.
Si Laxamana ang direktor ng Penduko na walang naiuwing tropeyo sa MMFF 2023.
Read: Male showbiz personality, humagulgol nang di manalo sa MMFF 2023 Gabi Ng Parangal
Ipinagtapat ni Laxamana na nangyari ang pag-iyak niya sa isang madilim na sulok ng New Frontier Theater pero may mga nakakita pa rin sa kanya.
May malaking aral na matututunan, lalo na ang mga may problema sa kalusugan sa pag-iisip, mula sa karanasan ni Laxamana na hindi natakot aminin ang pagkakaroon ng mental health issues.
Buong pusong tinanggap at kinikilala ni Laxamana ang kanyang mga kahinaan na dapat tularan at maging inspirasyon ng mga kapareho niya ang kinalalagyang sitwasyon para mabigyan ng solusyon ang isang uri ng karamdaman na hindi naman nila hinangad o kagustuhan.
Sa kanyang Facebook at Instagram "essay" post kahapon, Enero 2, 2024, inilahad ni Laxamana na "Pagbangon" ang tema ng buhay niya noong 2023.
Pero ang pagbangon mula sa pagkakalugmok sa lumalalang kalagayan ng mental health niya ang kanyang “super pagbangon” na ginawa.
“Ang masasabi kong tema ng 2023 ko ay PAGBANGON. 2023, bumangon tayo nang tuluyan mula sa trauma na naidulot ng pandemic, sa buhay man o sa trabaho.
“Nakapaglabas tayo ng tatlong pelikula, nakapagdirek ng iilang episode ng TV shows, nakapag-co-present ng concert, at iba pa.
“Pero kung merong isang bagay na talagang masasabi kong super pagbangon ay ang pagbangon ko mula sa pagkalugmok sa worsening mental health.
“2023, nagkaroon tayo ng lakas ng loob na humanap ng doktor para sa mental health, at nakakuha tayo ng diagnosis na meron tayong Autism Spectrum Disorder (ASD).
"Ang almost 24/7 na pagpapanggap na tayo ay 'normal' ay ang pangunahing sanhi pala ng madalas na pag-atake ng anxiety, mental burnout, at depresyon — at ang mga ito naman ang madalas na sanhi ng suicidal thoughts at fear of abandonment,” panimulang lahad ni Laxamana tungkol sa problema sa mental health issue na matapang niyang hinarap at hinanapan ng solusyon.
“Anyway, dahil na-address ko ang mental health issues ko, sa latter part ng 2023, after so many years, finally, nasabi ko muli sa sarili ko at sa publiko na, YES, masaya ako. Kuntento ako. Panatag ako at may kumpyansa sa halaga ko bilang tao/artist/kamag-anak/kaibigan/manager.
“Di nangangahulugan na positive lang palagi. Ang kaibahan, mas marunong na akong mag-process ng emotions kapag nakaka-encounter ng problema.
“Hinahayaan ko ang sarili kong namnamin ang iba't ibang 'negative' emosyon — tampo, galit, lungkot, dismaya — ngunit hindi na nagdu-dwell tulad ng dati.
“Mas klaro na rin sa akin kung ano ang gusto ko at hindi; at naipaglalaban ko na rin ang mga totoo kong gusto.
“Hindi ko ikinakahiya na paulit-ulit ang mga damit ko maging sa mga events dahil bilang autistic, di ako kumportable sa mga bagong damit, lalo na pag formal.
“Hindi na ako nahihiyang magtakip ng tenga kapag may maingay na sasakyan. Hindi na ako nahihiyang magsabi na may ginagawa ako at bawal akong i-distract kasi mahihirapan ang utak ko. Atbp.
“Nakuha pang isapubliko ng PEP ang nangyari sa'kin nung MMFF Awards Night (kahit na ginawa ko ito sa sulok at dilim)... na for a couple of days naging sanhi ng pagkabagot ko... bumalik ako sa pag-question ng halaga ko sa sarili ko, kinwestyon kung tama ba ang desisyon kong mag-medication.
“Napaisip ako kung tama bang pinagbigyan ko ang sarili ko sa talagang gusto kong gawin, at muntikan na akong bumalik sa dati. Pero matapos i-process ang damdamin ko, OK na 'ko. You win some, you lose some.
"Penduko ang unang mainstream na pelikula ko na pinamalas ko ang inner child ko at mga tunay na hilig ko (folklore, culture, mala-animé na storytelling at bakbakan, etc.) na sa kahabaan ng aking career bilang filmmaker, napilitang i-suppress sa ngalan ng survival (paggawa ng romance). Kaya wala tayong pagsisisi.
"Hangad ko sa 2024 na mas tuluyang maipamalas ko pa ang authentic autistic JPL na walang pagpapanggap, at mas makahanap ng audience ang mga obra nitong JPL 2.0 na ito.”
May mga personal na kahilingan at pangako sa sa sarili si Laxamana:
“Sana tuluyan akong hayaan ng producers ko na mag-grow bilang writer at direktor, na passion ang sinusunod sa halip na survival instinct.
“Pangako ko sa sarili ko this 2024: mas kakampihan ko pa ang sarili ko, at itutuloy ang pagbangon, hanggang sa makalipad muli. HAPPY NEW YEAR!”