Mali ang espekulasyong mapapanood si Maja Salvador sa ikalawang bahagi ng Gyeongseong Creature, ang South Korean Netflix series na pinagbibidahan nina Park Seo-joon at Han So-hee.
Nag-umpisang mapanood sa Netflix ang unang bahagi ng Gyeongseong Creature noong Disyembre 22, 2023.
Sa Enero 5, 2024 ang simula ng streaming ng ikalawang bahagi na may tatlong kabanatang nalalabi.
Marami sa mga Pilipino ang nalinlang na may partisipasyon si Maja sa Gyeongseong Creature dahil sa mga misleading social media post na may cameo role siya bilang pasyente ng Ogseong Hospital sa ikalawang bahagi ng South Korean Netflix series.
Totoong kasali si Maja sa Gyeongseong Creature, pero hindi bilang cast member kundi para sa special promotional video ng Netflix para sa naturang palabas.

Walang ipinagkaiba ang ginawa ni Maja sa partisipasyon ni Derek Ramsay sa promotional video na inilabas ng Netflix noong June 2023 para sa Extraction 2, ang action movie ng Australian actor na si Chris Hemsworth.

Makikita sa Internet Movie Data Base (IMDB) ang kumpletong listahan ng mga artista ng Gyeongseong Creature mula sa mga bida, supporting cast, at hanggang sa mga bitplayer.
Wala ang pangalan ni Maja dahil para sa promotional video at pampaingay sa Pilipinas ng nabanggit na Netflix series ang kanyang tanging partisipasyon.
Inilabas ng Netflix Philippines ngayong Miyerkules, Enero 3, 2023, ang promotional video na may caption na “Park Seo-jun and Han So-hee Discover Maja Salvador in Onseong Hospital?" na pruweba ng kontribusyon ng Philippine actress sa South Korean Netflix series.
Naghatid din ito ng kalituhan dahil sa spelling ng Netflix Philippines sa pangalan ng sikat na Korean actor—Park Seo-jun imbes na Park Seo-joon.