Bukod sa Filipino actress na si Ruby Ruiz, binigyan din ng importansya sa official trailer ng Expats dahil ipinakita rin ang eksena ng pagsasalita ng Tagalog ng isang Pilipinong miyembro ng cast.
Read: Ruby Ruiz, next Pinay international star kasunod ni Dolly de Leon?
Ang Expats ang American drama series na pinagbibidahan ni Academy Award winning-actress Nicole Kidman. Tungkol sa pamumuhay ng close-knit expatriate community sa Hong Kong.
Mapapanood ito sa Amazon Prime simula sa Enero 26, 2024.

May tatlong eksena si Ruby sa official trailer ng Expats na malaking karangalan hindi lamang para sa kanya kundi pati na rin sa lahat ng mga Pilipino.
Sa isang eksena sa official trailer, nagsalita ang Pinoy cast member ng: "Alam nating lahat ang tungkol sa employer natin. Mga sikreto na kahit pinakamalapit na kaibigan niya ay hindi alam."

Totoong-totoo ang kanyang mga linya dahil hango sa mga tunay na pangyayari ang sinabi niya.
Hindi puwedeng mawala sa kuwento ng Expats ang mga Pilipino dahil sa datos noong Disyembre 2023, mahigit sa 196,000 ang bilang ng mga kababayan natin na naglilingkod na domestic helper sa Hong Kong.
Dalawang linggo na ang nakararaan mula nang ilabas ng Amazon Prime ang official trailer ng Expats, na meron nang 7.6 million views at positibo ang mga komento.
Marami ang nagpakita ng interes panoorin ang drama series ni Nicole, at karamihan sa kanila ay mga Pilipinong naranasang magtrabaho noon sa Hong Kong.
Hindi lamang si Ruby ang Pilipino na mapapanood sa Expats dahil may partisipasyon din si Kean Cipriano sa six-episode series na halaw sa The Expatriates, ang nobela na isinulat ni Janice Y.K. Lee noong 2016.