Nagluluksa ang entertainment writing industry dahil sa pagpanaw ng veteran writer at film critic na si Mario Bautista.
Binawian ng buhay si Bautista sa Philippine Heart Center, Quezon City, bandang 8 a.m. nitong Sabado, Enero 13, 2024. Siya ay 77.
Ang anak ni Bautista na si Mario Miguel (MM) ang nagkumpirma sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng malungkot na balita tungkol sa pagkawala ng kanyang ama.
Ibinahagi rin nito sa post ang detalye ng burol at inurment ng labi ni Mario sa Loyola Memorial Park, Marikina City.

Magdiriwang sana si Bautista ng kanyang ika-78 kaarawan sa Enero 19, 2024.
Nagsimula noong 1976 ang writing career ni Kuya Mario na isa sa pinakamahusay at nirerespetong entertainment writer at film critic hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay.
Nakapagsulat siya sa halos lahat ng major publications sa Pilipinas, kabilang na sa mga diyaryong People's Journal, The Manila Times, at dating showbiz magazines na Movie Flash, EXPOSÉ, at INTRIGUE.
Naging miyembro rin siya ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (Urian Awards), naging PMPC (Philippine Movie Press Club) member, at instrumental sa pagkakatatag ng Star Awards for Movies.
Huli naming nakita at nakausap si Kuya Mario sa media conference ng My ZomBabe noong Disyembre 21, 2023. Tulad ng kanyang nakasanayan, nagpakuha siya ng litrato kasama ang ibang mga entertainment reporter.
Sa tuwing may mga media conference, nakaugalian nang si Kuya Mario ang unang nagtatanong sa mga artista at direktor ng mga pelikula at TV series kaya ramdam na ramdam ng entertainment press ang kawalan ng presence niya buhat nang ma-confine siya sa ospital noong nakaraang buwan.
Noong nabubuhay pa si Kuya Mario, palagi nitong sinasabi sa aming handa na siya, anumang oras na tawagin siya ng Panginoong Diyos.
Sa aming mga seryosong kuwentuhan, hindi niya nakakaligtaang sabihin ang sobrang pangungulila sa kanyang asawa na si Ate Vicky, na binawian ng buhay noong Pebrero 3, 2008.
Naghatid man ng matinding kalungkutan ang pagkawala ni Kuya Mario, naniniwala kaming masaya na siya ngayon sa kinaroroonan niya dahil tulad ng kanyang palaging sinasabi at isinusulat, “He lived a full life.”
Hindi natatakot si Kuya Mario sa kamatayan dahil para sa kanya, ito ang magiging dahilan para muli silang magkita at magkasama ng asawa niyang nauna nang namaalam.
Ito ang Facebook post ni Kuya Mario noong Oktubre 26, 2022. Mga saloobin niya tungkol sa kamatayan ang paksa, at mapapansin na nangyari ang kanyang kagustuhan—ang huwag maging pabigat.
Mapayapa kasi ang kanyang paglisan habang natutulog siya nitong Sabado ng umaga (published as is):
“I am READY to go anytime. Malayo naman po yan sa gusto nang matigbak.
“When you are ready, it means you have lived a happy, fulfilled life. And I am doing that just right now. I am so satisfied with my life.
“I have nothing but gratitude for the LORD as HE is SO GENEROUS to me, ALL MY LIFE!
“I have no regrets whatsoever.
“So thank you, LORD. But it’s not my call. IT IS HIS. HE IS THE ONE WHO IS IN CONTROL.
“At kung gusto na niyang bawiin ang buhay ko, all I can [say] is THANK YOU PO!!!!
“Ayoko lang nung magkakasakit pa ako nang matagal at magiging pasanin ni MM and his family na siyang mag-aasikaso sa akin kapag namatay ako.
“I just want to leave quietly into the night then, ike-cremate ako at bahala na sila kung gusto nilang itago, isaboy sa hangin o ilagay anywhere.”

Paalam, Kuya Mario...