Malaking karangalan para sa mga miyembro ng Baguio-based band na Cup of Joe na ang kanilang kanta na "Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko" ang ginamit na bagong pamagat at soundtrack ng pelikula nina Aga Muhlach at Julia Barretto na may dating pamagat na Forgetting Canseco.
Ang Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko ang isa sa mga hit song ng Pinoy pop band nina Gian Bernardino, Raphael Ridao, Xen Gareza, Gab Fernandez, Sevii Severino, at CJ Fernandez.
Meron nang 26 million streams sa Spotify at 3.6 million views sa YouTube ang kanta na titulo na ngayon ng pelikula nina Aga at Julia. Makatutulong ito para lalo silang makilala sa Pinoy pop music scene.
Itinuturing ng mga music enthusiast ang Cup of Joe bilang new go-to band at most listened-to band ng 2023 dahil sa pamamayagpag nila sa local music landscape.
Mga estudyante sa Saint Louis University Laboratory High School noong 2019 ang mga miyembro ng Cup of Joe nang itatag nila ang kanilang banda.
Kuwento ni Gab, lead guitarist, na biglaan lamang ang desisyon nila na gamitin na pangalan ang Cup of Joe na American slang expression ng isang tasa ng kape.
“There was this event that was about to start and we needed a name for the band so bigla ko na lang naisip ang Cup of Joe,” ang kuwento ni Gab na iginiit na walang pinanggalingan na anumang inspirasyon ang pangalan ng kanilang grupo.
Meron nang four million monthly listeners sa Spotify ang Cup of Joe at top-performing singles sa naturang platform ang kanilang mga kanta na "Estranghero" (41million streams), "Mananatili" (12 million streams), "Cinderella" (13 million streams), "Bukod Tangi" (10 million streams), "Patutunguhan" (9 million streams), at "Tataya" (7 million streams).
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga nangunguna sa music chart ang "Tingin," ang bagong awit ng Cup of Joe.
May special participation ang singer na si Janine Teñoso sa "Tingin" na tinatangkilik hindi lamang ng Gen Z kundi pati ng Millennials.
Para sa 2024, plano ng Cup of Joe na magkaroon ng solo concert, maglabas ng bagong single at ang posibilidad na bagong collaboration nila sa ibang mga music artist.
Inaasahan na magiging visible sa entertainment scene ang Cup of Joe dahil ang kanilang hit song ang ginamit na pamagat at soundtrack ng pelikula nina Aga at Julia na mapapanood sa mga sinehan simula sa Pebrero 7, 2024.