Nagulat ang cast members ng Season 2 Winter Edition ng Running Man Philippines nang dumating sila sa Incheon International Airport, South Korea, nitong Lunes ng umaga, Enero 15, 2024.
Hindi nila inaasahang sasabak agad sila sa unang misyon.
Pagdating sa South Korea ng anim na miyembro ng Running Man Philippines na sina Glaiza de Castro, Buboy Villar, Kokoy de Santos, Lexi Gonzales, Angel Guardian, at Mikael Daez, dinala agad sila sa isang beach para sa hamon na ipinagawa sa kanila, kahit negative 6 degrees ang lamig ng panahon.

Ang buong akala ng anim na Kapuso stars, magpapahinga muna sila pagkatapos ng halos apat na oras na biyahe mula sa Pilipinas hanggang sa South Korea at bukas (Enero 16) pa magsisimula ang kanilang taping.
Kasama ng Running Man Philippines stars na umalis sa Pilipinas si Rico Gutierrez, ang direktor ng Philippine edition ng sikat na South Korean reality game show.
Si Ruru Madrid ang ikapitong miyembro ng Running Man Philippines pero espesyal na lang ang partisipasyon niya.
Hindi maaaring mawala nang matagal sa Pilipinas si Ruru dahil sa tapings nito para sa kanyang prime time series sa GMA-7, ang Black Rider, na parami na nang parami ang mga artistang kasali.
Isang kapwa Kapuso star na mas bata kay Ruru ng isang taon ang pinaghihinalaang karagdagan sa cast ng Running Man Philippines. Opisyal siyang ipakikilala sa Enero 23.
Read: Running Man Philippines Season 2 kabilang sa mga bagong GMA-7 shows ngayong 2024
Mahigit isang buwang mananatili sa South Korea ang mga artistang kalahok sa Running Man Philippines para sa mga misyong ipapagawa sa kanila.