Kinumpirma ng mga nanood ng Music of the Spheres concert ng British rock band Coldplay na sakay ng helicopter sina President Ferdinand Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos nang dumating sa venue.
Read: President Marcos Jr., Maine-Arjo, Heaven-Marco among attendees at Coldplay Manila concert
Ginanap ang concert noong Biyernes ng gabi, Enero 19, 2024, sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan.
Kasama ng First Couple sa panonood ang kanilang anak na si Congressman Sandro Marcos at ang girlfriend nito na si Alexa Miro.
Ikinuwento ng isang eyewitness na noong una, inakala ng mga tao sa Philippine Arena na drone ang kanilang nakita, pero helicopter pala nang lumapag ito.
Nakunan ng mga larawan at video ang pagdating at pag-alis ng Marcos family mula sa concert venue kaya nakatatanggap sila ng mga batikos mula sa mamamayang Pilipino na hindi natuwa sa eksena na kanilang nasaksihan.
Napuno ng halakhakan ang malawak na Philippine Arena dahil sa mensahe ng pasasalamat ng Coldplay frontman na si Chris Martin na nagsalita tungkol sa matinding sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
"We’ve seen some traffic, but I think you have the number one in the world so thank you for making the effort to come through all of that bull**** to be here!" ang pahayag ni Chris.
Noong mga oras na iyon ay naroon si President Marcos.
Ang nakakapanlumong traffic situation sa lugar ang naging mitsa na mabaling ang usap-usapan ng netizens sa pangulo at sa pamilya nito na hindi naranasan na magdusa sa trapiko dahil sakay nga sila ng helicopter papunta sa Philippine Arena.
Sinikap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makuha ang panig at depensa ng Malacañang Palace tungkol sa binibigyang-malisya na paggamit ng First Family ng helicopter para manood ng concert ng Coldplay.
Bandang 4:50 p.m., naglabas ng pahayag ang Presidential Communications Office mula kay General Nelson Morales, commander ng presidential security command.
Sabi ni Morales: "Yesterday, the Philippine Arena experienced an unprecedented influx of 40,000 individuals eagerly attending a concert, resulting in unforeseen traffic complications along the route.
"Recognizing that this traffic situation posed a potential threat to the security of our President, the PSG took decisive action by opting for the presidential chopper.
"This decision not only ensured the safety of our leader but also exemplified our commitment to prioritizing security in the face of unexpected challenges.
"Your continued understanding and support for these measures are crucial in maintaining the safety and well-being of our nation's leadership."
Samantala, bago pa nangyari ang mga batikos tungkol sa helicopter ride ng kanyang pamilya patungo sa Philippine Arena, nakatikim din ng mga personal na pagpuna ang pangulo dahil sa pagdalo niya sa wedding reception nina Prince Abdul Mateen at Anisha Rosnah noong Enero 14, 2023 sa Brunei.