Natuwa ang mga tao sa paligid ng dalawang aktres nang tapusin nila ang kanilang silent feud at nag-uusap na sila tulad nang dati.
Nag-umpisa ang hidwaan ng mga aktres, na magkasama sa isang programa, nang magreklamo si Actress A na nawawalan na siya ng privacy dahil sa madalas na pagti-TikTok ni Actress B sa dressing room na pinagsasaluhan nila.
Nag-alala si Actress A na baka hindi sinasadyang mahagip ang pagbibihis o unflattering moments niya ng camera phone ni Actress B habang gumagawa ito ng content para sa TikTok.
Sinabi ni Actress A sa mga kinauukulan ang kanyang mga alalahanin.
Nang makarating ito kay Actress B, naging malamig na ang pakikitungo nila sa isa’ isa.
Kamakailan lamang, napansin ng mga kasamahan ng dalawang aktres sa programa na nag-uusap na sila, isang indikasyong naayos na ang kanilang tampuhan kaya natutuwa ang mga tao sa paligid nila dahil nawala na ang tensiyong nararamdaman ng lahat.
Pero nitong mga nakaraang araw, muling napuna ng mga katrabaho ni Actress A ang pagiging tahimik nito sa set ng kanilang programa.
May dahilan ang pananahimik ni Actress A dahil nasangkot sa isang mabigat na kaso ang taong hindi iba sa kanya.
Kung kailan gumaganda na ang takbo ng showbiz career ni Actress A, na matagal naghintay mabigyan ng malaking oportunidad sa telebisyon, saka dumating ang problema na ibang tao ang may kagagawan.
Hindi maiwasan ng aktres na hindi maapektuhan at mag-isip dahil malapit sa kanya ang sangkot na tiyak na pagpipistahan ng mga mahihilig sa showbiz controversies kapag pinangalanan ng mga awtoridad ang mga nasasakdal.