Tatlong major product endorsements ang nawala sa aktor.
Ang kutob ng mga namamahala sa kanyang showbiz career, may kinalaman sa nangyari ang paghihiwalay nila ng actress-girlfriend niya noong nakaraang taon.
Ang aktor ang higit na apektado sa nagwakas na relasyon nila ng aktres dahil sila ang magkapareha sa mga product endorsement, pero bukod-tanging siya ang hindi pinapirma ng mga bagong kontrata.
Ang non-renewal sa kontrata ng aktor ng tatlong kompanya ang pinaghihinalaang epekto ng mga isyung lumitaw mula nang makumpirma na hiwalay na sila ng aktres.
Madaling matutukoy ang katauhan ng aktor dahil magkasama pa sila ng kanyang dating karelasyon sa isang malaking pagtitipon ng isa sa mga product endorsement nila.
Dahil ang kontrata na lamang ng aktres ang ni-renew ng mga kompanya, wala na ang aktor sa mga susunod na kampanya para sa produkto na dating ineendorso nila ng ex-girlfriend.
Malaking halaga ang sangkot sa mga naglahong product endorsement ng aktor kaya imposibleng hindi ito malungkot at manghinayang, lalo na ang kanyang pamilya na naniwalang malalampasan niya ang mga pagsubok na pinagdaraanan buhat nang mabuwag ang pagmamahalan nila ng dating karelasyon.
Tuloy naman ang buhay para sa aktres na mabilis nakabawi mula sa sakit na idinulot ng paghihiwalay nila ng aktor.
Mahusay na hinarap ng aktres ang mga problemang dumating sa personal na buhay nito kaya lalong tumaas ang paghanga at respeto sa kanya ng mga tagasuporta niya.