Ang palayain ang direktor na si Jade Castro at ang kanyang tatlong kasama ang isa sa mga panawagan ng mga miyembro ng Samahang Gomburza.
Nangyari ito nang gunitain noong Sabado, Pebrero 17, 2024 sa Luneta Park ang ika-152 na anibersaryo ng pagiging martir ng mga pari na sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora.
Read: Pamilya ni Jade Castro at tatlo niyang kaibigan, nanawagan sa kanilang kalayaan
Dinakip si Jade at mga kasama ng walang arrest warrant noong Pebrero 1, 2024, dahil sa mabigat na paratang na pagsunog sa isang modernized jeepney sa Catanauan, Quezon noong Enero 31, 2024.
Nananatiling nakabilanggo sa Catanauan si Jade at ang kanyang mga kasama na sina Noel Mariano, Ernesto Orcine, at Dominic Ramos—na naninindigang inosente sila sa kasalanan na ibinibintang laban sa kanila.
Sa darating na Lunes, Pebrero 19, pangungunahan ng aktor at ng house representative na si Dan Fernandez ang pagdinig sa kaso ni Jade.
Si Fernandez ang chairman ng House Committee on Public Order and Safety.
Nadagdagan ang mga nakikisimpatiya kay Jade, at lalong tumindi ang apela na palayain siya, nang ihayag ni Atty. Carmela Pena na may nakitang dahilan o probable cause ang mga prosecutor ng kaso sa arson o panununog na isinampa laban sa grupo ni Castro.
Si Pena ang abogado ni Castro at sa sinabi niya sa panayam sa kanya ng GMA News Online noong Biyernes, Pebrero 16 na "The investigating prosecutor found probable cause and recommended to the Provincial Prosecutor the filing of an Information for destructive arson against Direk Jade and his friends, which the Provincial Prosecutor approved."
Binigyang-diin ng PNP na may sapat na dahilan ang kanilang warrantless arrest dahil nadakip ang mga akusado habang tinutugis nila.
Diumano, ang sasakyan na ginamit ng mga sumunog sa modernized jeepney ang ginamit ng apat na akusado, sa kabila ng CCTV footage na magpapatunay na nasa bayan ng Mulanay si Castro at ang mga kasama nito nang maganap ang krimen.
Iginiit ng PNP na hindi makapagkakatiwalaan na ebidensya ang CCTV footage dahil puwede itong baguhin.
Samantala, hindi man sila personal na magkakilala, kabilang ang award-winning director na si Carlos Siguion-Reyna sa mga nagpahayag ng suporta kay Castro.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post, sabi ni Siguion-Reyna (itals provided): "JADE CASTRO, I don't know you or your movies all that well, but with the incomprehensible arrest and detention you have been subjected to, I pray for your immediate release and look forward to chatting with you about your work, exchange stories about teaching film, and filmmaking in general. Stay strong."
Read: DGPI at iba pang organisasyon, kinondena ang warrantless arrest sa direktor na si Jade Castro