Noong Marso 2, 2024 ang ika-41 kaarawan ni Jerald Napoles, pero sa halip na magkaroon ng pagdiriwang, pinili niyang magpahinga kasama ang girlfriend na si Kim Molina.
"Nag-celebrate, nagpahinga lang. And it’s a blessing also na sakto nung araw na yon, puwede tayong magpatay ng oras para magpahinga," sagot ni Jerald nang magtanong ang Cabinet Files tungkol sa pagdiriwang niya sa importanteng araw ng kanyang buhay.
Nabahiran ng lungkot ang kaarawan ni Jerald dahil ito rin ang araw na pumanaw si Jaclyn Jose, isa sa mga aktres na hinahangaan at iginagalang niya.
May anekdota si Jerald tungkol kay Jaclyn na nakasanayan niyang tawagin na Ate Jane.
Mary Jane Guck ang tunay na pangalan ni Jaclyn.
Read: Multi-awarded actress Jaclyn Jose dies at 60
Pagbabahagi ni Jerald sa Cabinet Files, "Regarding sa pagkawala ni Ate Jane, I bet lahat naman nagulat kasi parang lahat sa industriya…
"Because Ate Jane is one of the formidable and reliable best actresses in the industry, so most of us, talagang nakatrabaho na siya."
JERALD NAPOLES UNFORGETTABLE SCENE WITH JACLYN JOSE
May hindi rin malilimutang karanasan si Jerald kay Jaclyn.
Balik-tanaw ng aktor: "And I remember, trivia, hindi ko na-post ito kasi parang ayoko nang [dumagdag] sa ingay ng mga tao bilang nagluluksa.
"Si Ate Jane ang unang-unang sampal ko onscreen, sa Valiente TV5 remake," ani Jerald na ang tinutukoy ay ang drama series ng TV5 na pinagbidahan nina JC De Vera at Oyo Sotto noong 2012.
"Bodyguard ni Ate Jane ang role ko. Ang eksena, parang may nagawa kami na hindi niya gusto so 'mga tonto!'
"Totoo yung sampal. Hindi puwedeng mandaya lalo na yung mga batikan. Lalo na ang direktor namin, Direk Joel Lamangan.
"Baka sabihin ni Direk Joel, 'Kapag hindi mo sinampal yan, ikaw ang sasampalin ko.'
"Tapos close-up. Imbes na mainis ako, natuwa ako. Siyempre Jaclyn Jose, 'Ate Jane, thank you ha!' Nag-thank you ako."
Sa huli, sabi ni Jerald, "I hope, of course, may she rest in peace and prayers for the family kasi malapit na malapit sa amin si Andi, si Kuya Michael de Mesa."
Si Andi ay anak ni Jaclyn sa namayapang aktor na si Mark Gil. Kapatid ni Mark si Michael de Mesa.
Wala sa Pilipinas si Jerald sa kasalukuyan dahil nasa sa South Korea sila ni Kim para sa shooting ng kanilang bagong proyekto sa Viva Films, ang Seoulmeyt, na mula sa panulat at direksyon ni Darryl Yap.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap si Jerald noong Biyernes ng hapon, Marso 8, 2024.
Kahit nasa ibang bansa sila ni Kim, tumutulong si Jerald sa promo ng Pagpag 24/7, ang pelikula nila nina Nikko Natividad, Danita Paner, Nicco Manalo at Wilbert Ross na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Marso 20, 2024.
Read: Coco Martin reveals he noticed Jaclyn Jose's sadness days before her passing