Kapansin-pansin ang "Coco Martin vibe" ni Kiko Estrada sa media conference ng TV5 para sa TV remake ng Lumuhod Ka sa Lupa, ang action-drama film na pinagbidahan ni Rudy Fernandez noong 1986, na ginanap kahapon, April 2, 2024.
Read: Kiko Estrada, makakapareha ang kanyang Tita Sarah Lahbati
Bukod sa leather jacket na paboritong isuot ng mga action star, nagpapayat si Kiko para sa Norman dela Cruz character niya sa Lumuhod Ka sa Lupa kaya ikinukumpara kay Coco Martin ang kanyang physical appearance sa kasalukuyan.
Sina Roderick Lindayag at Albert Langitan ang mga direktor ng Lumuhod Ka Sa Lupa.
Sa media conference na naganap nitong Martes ng hapon, Abril 2, 2024, ibinahagi ni Direk Albert ang trivia tungkol sa unang pagsasama nila ni Kiko sa isang programa ng GMA-7, sampung taon na ang nakalilipas.
Kuwento ng direktor, “Kami ni Kiko, meron kaming personal na usapan, ten years ago. First time namin nagkasama, nag-click kaagad kami.
“Sabi ko, ‘Kiko, ano ang ginagawa mo? Dapat action star ka.’
"Tapos nung sinabi na si Kiko yung magiging lead star [ng Lumuhod Ka sa Lupa], parang destiny yata yon.
"Baka na-claim namin pareho ni Kiko kaya nangyari siya kasi ang tagal naming hindi nagkasama. Dito kami pinagtagpo.
“So, para sa akin, it’s a mission na, 'Kiko, dapat maging maayos ka.'
"Saka ang unang-unang pinaka-challenge, hindi talaga nagsasalita ng Tagalog si Kiko, pero kinarir niya para magampanan niya. Para siya talaga yung maging bagong Norman dela Cruz."
Tila nagdilang-anghel si Direk Albert dahil nangyari ang kanyang sinabi noon kay Kiko na dapat na maging action star ito.
Ano naman ang reaksiyon ni Kiko tungkol sa pahayag ni Direk Albert?
Saad niya, “I believe in that. Kailangan mo i-manifest to the universe and be patient and be ready.”
Sinabi rin ni Kiko na naranasan nito ng pinakamatinding pressure sa pagbibida niya sa Lumuhod Ka Sa Lupa.
Aniya, “Pinakamataas na pressure sa mundo, naramdaman ko na. Pero gaya ng sinabi ko kay Direk Albert, pressure makes diamonds and I hope we made one.”
Idinagdag naman ni Direk Albert na malaking hamon para sa kanyang maging direktor ng TV adaptation ng Lumuhod Ka sa Lupa dahil idolo niya si Rudy Fernandez.
“From day one, sobrang challenging yung pinagdaanan namin kasi it’s an adaptation. Alam namin na mahirap lampasan yung ginawa noon sa komiks, sa pelikula.
“Lumaki ako na idolo ko rin si Rudy Fernandez. So, parang sa akin, it’s a personal challenge na pagandahin siya.
“Tungkol naman sa ibang mga artista natin, kita naman na pasok na pasok sila sa mga karakter na ginagampanan nila. Yung assignment na ginawa nila para magampanan nila nang tama.
"Si Sarah [Lahbati], I know it’s a challenge for her also dahil ang tagal din niya na nawala sa pag-arte."