Ang Japan ang isa sa mga bansang paboritong puntahan ng mga Pilipino na nagbabakasyon.
Pero dapat mag-ingat ang ating mga kababayan sa service vans na inaarkila nila mula sa international airport at magdadala sa kanila sa mga destinasyong pupuntahan dahil sa dumaraming bilang ng mga turistang gumagamit ng mga ilegal na sasakyan.
Kinukuwestiyon at hinuhuli ng Japan police ang mga ilegal na sasakyang ito.
Read: Why are jeans made in Japan more expensive?
Ipinagbabawal sa Japan ang paggamit ng mga pribadong sasakyan at taxi dispatch apps na nagbibigay ng serbisyo sa mga tao at may kapalit na bayad. Kolorum ang mga ito kaya may posibilidad na hindi makakuha ng legal na kabayaran ang pasahero kung sakaling may aksidenteng mangyari habang bumibiyahe.
Ikinababahala ng Japanese authorities ang paggamit at pagsakay ng mga turista sa mga hindi lisensiyadong sasakyan kaya hinihingi nila ang kooperasyon ng lahat at hindi sila nagkukulang sa pagpapaalaala.
Sa ilalim ng Road Transportation Act ng Japan, nahaharap sa tatlong taong pagkakakulong at pagmumulta ng tatlong milyong yen (halos PHP1.2 million) ang mga mapapatunayanng nagkasala.
Sa isang panayam, sinabi ni Mitsuteru Yanase, ang namumuno sa Chiba Transport Branch Office, na hindi alam ng marami sa mga turistang mahigpit na ipinagbabawal sa Japan ang mga sasakyang walang lisensiya at hindi kulay berde ang mga ginagamit na plaka.
Read: Japan’s 1,000-year-old Naked Man Festival held for the last time due to lack of younger males

"Some travelers are unaware that unlicensed taxis are banned in Japan. To encourage them to use buses and taxis with green license plates, which are safe, secure and well-managed, it is necessary to take solid measures to prevent the use of unlicensed taxis," paalaala ni Yanase sa mga turistang bumibisita sa Japan.
FILIPINO-JAPANESE TRAVEL TOUR OWNER
Nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Glenda Tsuruoka Cruz, ang Filipino-Japanese owner ng Omakase Tsuruoka Travels and Tours tungkol sa mahalagang isyung ipinagwawalang-bahala ng mga turistang Pilipino.
Kinumpirma niya ang paghihigpit na ginagawa ng Japanese authorities laban sa mga illegal at hindi lisensyadong sasakyan.
Inilahad ni Cruz na may mga insidenteng nahuhuli ang mga turista sa random check procedure na ipinatutupad ng Japan Police.
Saad niya, “Usually, ginagawa talaga ng pulis is random checking. Pinapara nila ang mga sasakyan at nagtatanong sila sa mga pasahero tungkol sa transaksiyon sa mga driver.
“Tinitingnan nila ang mga passport, petsa ng arrival sa Japan, at kung paano nila nakilala at na-contact ang driver ng kanilang sinasakyan, na malaking abala sa mga Pilipinong walang alam tungkol sa mga batas na ipinatutupad sa Japan.
“May insidenteng nasiraan sa kalsada ang sasakyan pero mga pulis ang dumating at sinita ang mga pasahero. Itinatanong nila kung turista ang pasahero kaya nagsinungaling ang driver para makaiwas sa kaso.
“Sinabi niyang mga kaibigan niya ang kanyang mga sakay, hindi mga kliyente.”
Naaawa raw si Cruz sa mga Pilipinong walang kamuwang-muwang pero nadadamay sa mga kaso dahil sa pagtangkilik sa mga illegal service vehicle.
Binanggit ni Cruz na sa airport pa lang, makikita ang mga paalaala tungkol sa pagbabawal sa pag-arkila sa mga hindi accredited vehicles ng Japanese government.
Para sa kaalaman ng lahat, ipinaliwanag din ni Cruz na iba ang mga lisensiya at kulay ng plaka ng mga driver at sasakyang may pahintulot ng pamahalaan.
“Ang lisensiya ng mga illegal service driver is Class 1, at puti ang plaka ng sasakyan nila. Hindi allowed ang mga Class 1 license holder na maningil ng pera.
“Yung Class 2 license holder ang legal dahil may permiso silang magsakay ng mga nagbabayad na pasahero, at berde ang plaka ng kanilang mga sasakyan.
“Illegal transportation service vehicles sa Japan ang Alpard, Grand Cabin, at Coaster na kulay puti ang plaka,” pagbibigay-halimbawa ni Cruz para higit maunawaan ng mga Pilipinong nagbabalak na magbakasyon sa Japan ang batas na ipinatutupad tungkol sa pagrenta ng mga sasakyan.
Si Cruz ang hiningan ng opinyon ng Cabinet Files dahil sanay siya at ang kanyang kompanya sa pag-aasikaso sa mga Pilipinong pumupunta sa Japan.
Ang mga artista (Vilma Santos at Christopher de Leon) at production team ng When I Met You In Tokyo, ang pamilya nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi, ang mag-asawang Vic Sotto at Pauleen Luna, at ang pamilya nina John Pratts at Isabel Oli ang ilan sa mga kilalang personalidad na pinagsilbihan ng travel at tour agency ni Cruz.
