Ang Vivamax A-lister sexy star na si Angeli Khang ang bagong karagdagan sa humahaba na listahan ng mga artistang mapapanood sa Black Rider, ang prime-time drama action series ng GMA-7 na pinangungunahan ni Ruru Madrid.
Nag-umpisa ang taping ni Angeli para sa mga eksena niya sa Black Rider noong Abril 10, 2024 at inilabas na ng GMA-7 ang balita na kasali na siya sa cast ng nabanggit na prime-time series.
Ang Black Rider ang kauna-unahang television series ni Angeli, na maligayang-maligaya dahil mapapanood na rin siya sa telebisyon.
Nakadagdag sa kaligayahan na nararamdaman ni Angeli ang katuparan ng kanyang pangarap na makatawid sa mainstream mula sa paggawa ng sexy projects sa Vivamax.
Read: Angeli Khang huling pelikula na sa Vivamax ang Salawahan
Sa panayam ng Cabinet Files kay Jojo Veloso noong Enero 2024, sinabi niya ang plano ng home studio ni Angeli na bigyan ito ng mainstream movie projects dahil panahon na para mapanood siya sa mga sinehan.
Si Jojo ang discoverer at talent manager ni Angeli.
At nang makausap si Jojo ng Cabinet Files, hindi pa sila nakatatanggap ng alok para maging bahagi ng Black Rider ang 22-year old sexy actress kaya hindi niya inakala na mauuna na mapanood sa telebisyon kesa sa isang mainstream movie ang kanyang alaga.
Kahit noong nagsisimula pa lamang na magbida sa mga pelikula para sa Vivamax, nakitaan na si Angeli ng husay sa pag-arte kaya ikinukumpara siya noon kay Jaclyn Jose.
Si Jaclyn ay nag-umpisa rin sa pagganap sa mga sexy role pero kinilala bilang isang sa mga pinakamagaling na aktres sa Pilipinas.
Nimfa Veloso ang pangalan ng karakter ni Angeli sa Black Rider, ang babae na kinidnap ng mga miyembro ng Golden Scorpion syndicate at itinuturing na huling birhen ng Isla Alakdan kaya walang sinuman sa mga kalalakihan ang puwedeng humawak sa kanya.
Sa tunay na buhay, mga lalake ang mga tagahanga ni Angeli dahil sa mga mapupusok na proyekto niya sa Vivamax.
Sinubaybayan din ng mga kalalakihan ang Black Rider kaya inaasahan at pinaniniwalaan na makatutulong ang partisipasyon ni Angeli sa popularidad ng primetime action drama series ng Kapuso Network.