Mainit ang pagtanggap kay Julia Barretto ng mga miyembro ng Indonesian press nang magpunta ang Filipino actress sa Jakarta, Indonesia, para sa media conference ng Secret Ingredient.
Ang Secret Ingredient ang original regional drama series na mapapanood sa Viu at sa labing-anim na bansa simula sa Abril 30, 2024.
Read: Julia Barretto, makakatambal ang XO Kitty star na si Sang Heon Lee
Ang South Korean star na si Lee Sang-heon at ang Indonesian actor at film producer na si Nicholas Saputra ang leading men ni Julia sa Secret Ingredient.
Kinunan sa Pilipinas ang kanilang mga eksena.
Ginanap ang media conference ng Secret Ingredient sa Lotte Mall, Kuningan, South Jakarta.
Pero sina Julia at Nicholas lamang ang nakadalo kaya nagbigay na lang ng videotaped message si Lee.
Sa idinaos na press conference, ikinuwento ni Julia na sumailalim siya sa short cooking course para sa karakter ni Chef Maya, na ginampanan niya sa kanyang kauna-unahang international series.
Natuto rin siyang magluto ng mga Indonesian dish at pinakapaborito niya ang Indonesian fried rice.
Kumusta naman si Nicholas bilang katrabaho?
Ayon kay Julia, “He was very professional, very focused and serious about what he did. He was very humble, very easy, and fun to work with.”
JULIA BARRETTO SPEAKS BAHASA
Nag-aral at nagmemorya si Julia ng ilang salita sa Bahasa, ang pambansang wika ng Indonesia. Nagamit niya ito sa kanyang pagbati sa mga dumalo sa press conference ng Secret Ingredient kaya kinaaliwan at pinalakpakan siya ng mga Indonesian.
Kumusta ang karanasan niya sa shooting para sa Secret Ingredient?
Sagot ni Julia, “It was a very refreshing experience. I am truly honored and extremely grateful to have been chosen to be part of Secret Ingredient. It’s a lot of fun shooting.”
Lumipad si Julia sa Jakarta, Indonesia, noong Huwebes, Abril 25, isang araw matapos ang opisyal na anunsiyo ng Star Cinema at Viva Films na muli silang magtatambal ni Joshua Garcia sa pelikulang may pamagat na Un/Happy for You.
Read: Joshua Garcia, Julia Barretto reunite in Un/happy For You