Ang paninilip o pambobosong naranasan niya noon ang pangunahing dahilan kaya hindi papayag ang aktor na pakunan ng litrato sa isang photographer ang kanyang anak, pamangkin, at ibang miyembro ng pamilya niya.
Nangyari ang insidente noong plano ng aktor na talikuran ang showbiz at subukan ang kapalaran niya sa ibang bansa bilang international model.
Read: Two-timing actor, nasampal ng controversial personality
Ang photographer ang pinili ng aktor para sa portfolio nito at naganap ang kanilang pictorial sa isang studio sa Makati City.
Maayos ang naging takbo ng pictorial pero nag-umpisa ang aberya nang pumasok ang aktor sa loob ng comfort room dahil sa tawag ng kalikasan.
Habang nakaupo ang aktor sa toilet bowl, napansin niyang parang may ilaw na biglang kumislap sa likod ng halaman sa comfort room.
Naintriga ang aktor sa kumislap na ilaw kaya hinawi niya ang halaman at nagulat siya nang makita ang nakatagong mini video camera na nakatutok sa kanya.
Kinuha ng aktor ang video camera at nagwawalang hinarap ang photographer na malinaw na tinangkang bosohan siya.
Read: Popular showbiz personality, ginagamitan ng modern technology para magmukhang bata
Para makatiyak na hindi nagtagumpay ang photographer sa masamang balak nito, tinangay ng aktor ang tape ng video camera, hindi niya tinapos ang pictorial at galit na galit na umalis.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang photographer na "caught in the act" kaya hindi makapagbigay nang maayos na paliwanag.
Takot na takot ang photographer dahil alam nitong katapusan na ng kanyang career kapag nagsalita ang aktor tungkol sa kasalanang ginawa niya.
ACTOR FORGIVES PHOTOGRAPHER, BUT...
Isang kakilala ng aktor ang nilapitan at hiningan ng tulong ng photographer.
Likas na mabait ang aktor na tinangkang silipan kaya hindi na siya nagsalita at pinalampas na lamang ang kasalanan ng photographer.
Kamakailan lamang, personal na nakausap ng Cabinet Files ang aktor .
Sinabi ng aktor sa Cabinet Files na hinding-hindi niya hahayaan at papayagan ang sinuman sa kanyang mga kamag-anak na artista na magpakuha ng litrato sa photographer dahil sa naranasan niya noon.
Iniisip ng aktor na maaaring hindi siya ang kauna-unahang artista na binosohan ng photographer dahil in demand ito at mga sikat na aktor ang mga kliyente.
Inilahad ng aktor na mapalad lamang siya dahil natuklasan niya ang planado pero naudlot na paninilip sa kanya ng popular photographer.
Read: Prominent showbiz personality, kabilang sa hindi nababayaran ng isang TV station