Sa kabila ng husay sa pagtatanghal ng all-female group na 4th Impact, hindi sila nakaligtas sa mga batikos mula mismo sa mga kababayan natin.
Ang 4th Impact ay binubuo ng magkakapatid na sina Almira, Irene, Mylene, at Celina Cercado.
Read: 4th Impact's next chapter unfolds; ready to conquer global stage once again
Labis na ikinasasakit ng kalooban ng kanilang ina na si Erlinda Cercado ang mga batikos laban sa grupo.
Napaluha si Erlinda habang ikinukuwento nito ang mga paninirang natatanggap ng kanyang mga anak nang tinanong ng Cabinet Files ang reaksiyon niya sa mga papuri at pagpuna sa grupong unti-unti nang gumagawa ng pangalan sa Amerika.
“Kapag napupuri po yung mga bata, iba yung nararamdaman ng isang nanay. Talagang proud na proud ako,” sabi ni Erlinda sa Zoom presscon ng 4th Impact mula sa Las Vegas ngayong Huwebes, Hunyo 13, 2024.
“Dun po naman sa mga nababasa namin, January, February 2024 po nag-start yung bashers, iniiyak ko na lang po.
“Basta sinasabi ko palagi sa mga anak ko, magpakumbaba na lang tayong lahat, pero masakit.
“Una po sa lahat, bilang isang nanay, masakit, kasi nakikita ko yung mga sakripisyo ng mga anak ko magmula noong bata.
“Hindi sila nakakapaglaro. Teenager, focus sila sa pag-aaral. Hanggang makatapos, kumakanta pa rin sila.
"Kaya sabi ko sa kanila, 'Pasensiya na kayo kasi naging mahirap lang ang mga magulang ninyo.' Naaawa rin ako sa kanila kasi bina-bash sila.”
Read: 4th Impact takes down GoFundme page for 200 dogs after backlash
PINOYS IN THE U.S.
Bilang patunay sa kabutihan ng mga anak, binanggit ni Erlinda ang pagtulong na ginagawa nina Almira, Irene, Mylene, at Celina sa kanilang mga kamag-anak.
Lahad niya: “Sa dami ng mga kamag-anak namin na mamamatay, yung ipon nila, ibibigay pa nila para panggamot. Yung pinsan nila na walang gatas, [magbibigay sila].
"Nakikita ko sa kanila, wala na silang naiipon, pero lagi nilang sinasabi, ‘Mama, kawawa naman si pinsan ko, walang gatas yung baby niya.’
“Awa ng Diyos, naniniwala ako sa sinabi ni Father, ‘Hindi ka mawawalan.”
Itinuturing ni Erlinda na milagro ang mga nangyayari sa buhay nila sa Amerika dahil sa mga Pilipinong tinutulungan sila.
“Kahit wala kaming pera, hindi kami pinababayaan ng Diyos.
"Nandito kami sa U.S., nakakakain kami sa oras. Nakakabayad kami ng mga renta.
"Sabi ko, miracle itong nangyari sa buhay namin. Kahit maraming bashers, sabi ko, praise lang para sa kaluwalhatian ng Diyos.
“Yun na lang ang sinasabi ko sa mga anak ko kaya nagpapasalamat ako bilang nanay dahil napakamasunurin talaga ng mga anak ko.
“Minsan, naaawa ako sa kanila. Grabe ang hard work nila.
"Lagi nilang sinasabi, ‘Para sa 'yo, Mommy.’ Sabi ko, ‘Okay na ako. Sanay na ako sa hirap.’
“Kaya salamat din sa mga umaalalay sa amin dito sa Amerika. Napakabait ng mga Pilipino.
"Ganoon pala, kapag nakakilala ka ng mga Pilipino dito, para ka na rin nasa Pilipinas.
"Grabe ang suporta ng mga Pilipino dito, hindi nila kami pinapabayaan."
Napaiyak din ang mga anak ni Erlinda nang marinig nila ang salaysay ng kanilang ina.
Sabi ni Almira, “Si Mama po, hindi yan umiiyak, so naiyak kami.
"Sa tuwing bina-bash kami, ang strong niya. So, ngayon lang namin siya nakita na umiyak. Pasensya na po kayo.”
4TH IMPACT TO INVADE LAS VEGAS
Malayo na ang narating ng 4th Impact.
Nag-umpisa ang singing career nila sa isang sabungan sa Isabela dahil dito sila unang kumanta na magkakasama para magkaroon ng pera.
Hindi malilimutan ng magkakapatid na imbes na microphone, megaphone ang ginamit nila sa pagkanta—ang talent na nagdala sa kanila sa maraming lugar sa Pilipinas at iba’t ibang mga bansa.
Produkto ng maraming singing contests sa Pilipinas ang 4th Impact. Pero mas napansin at hinangaan ang grupo nang sumali sila sa 12th Season ng X Factor United Kingdom noong 2015.
Read: PEP EXCLUSIVE. 4th Impact on being part of X Factor UK: "Siguro destiny namin."
Matutupad na ang pangarap ng magkakapatid na Almira, Irene, Mylene, at Celina na magkaroon ng concert sa Las Vegas, Nevada, USA.
Ang 4th Impact ang headliner sa Pinoy Champs na gaganapin sa Celebrity Centre sa Hunyo 21, 2024.
Nagpapasalamat ang 4th Impact sa U.S.-based show promoter na si Vic Perez ng Enteng The Dragon dahil ito ang tumutulong sa kanila ngayon; pati na sa Angel R& J Productions LLC, ang producer ng kauna-unahang concert nila sa Las Vegas.
