Rainbows End, Where’s Home For Manila’s Golden Gays? ang pamagat ng special documentary feature ng South China Morning Post tungkol sa mga matatandang Pilipino na miyembro ng LGBTQ community na nangangarap magkaroon ng sariling retirement place.
Sa kasalukuyan, umuupa lamang sila ng apartment matapos paalisin sa Home for the Golden Gays.
Ang Home for the Golden Gays ay itinatag noong 1975 ni Justo Justo, ang dating showbiz reporter at Pasay City councilor na sumakabilang-buhay noong Mayo 18, 2012.
Read: Otin G, ido-donate sa Home for Golden Gays ang kinita sa online concert
Ang South China Morning Post ay Hong Kong-based English newspaper, at ang SCMP Films ang producer ng documentary na mapapanood sa kanilang official YouTube channel.
Si Jayson Albano ang direktor ng documentary feature tungkol sa malungkot na buhay ng Golden Gays.
Nagkaroon ng positibong epekto ang docu dahil sa mga Chinese national na nangako ng tulong at humihiling na bigyan ng respeto ang mga matatandang miyembro ng Filipino LGBTQ community.
Read: BJ Pascual, Vince Uy mark Pride Month with high hopes for LGBT+ community
PERMANENT RETIREMENT PLACE FOR GOLDEN GAYS
Kabilang ang presidente ng Home for the Golden Gays na si Ramon Busa sa mga nagpupursiging matupad ang kanilang pangarap magkaroon ng permanente at sariling retirement place para hindi na sila mangupahan.
“Sinabi sa amin ng asawa ng founder namin na stop na yung gay activism sa bahay kaya completely isinarado nila yung bahay at na-displaced ang mga lola ng ilang buwan,” pagbabahagi ni Busa tungkol sa pagpapaalis sa mga residente ng Home for the Golden Gays sa bahay ni Justo Justo.
Ang mga kamag-anak ni Justo Justo ang bumawi sa retirement place nang mamatay ang dating konsehal at showbiz reporter.
Patuloy ni Busa, “Yung pagkakahiwa-hiwalay ng mga lolas noon, isang malaking bagay para sa grupo dahil first time nangyari na na-displaced kami. Wala kaming puwedeng tuluyan.
"At yung experience na yon, parang hindi mo basta-basta kalimutan,."
Nagrerenta ngayon ng apartment sa Pasay City ang Home for the Golden Gays. Nakapagbabayad sila ng upa sa pamamagitan ng mga ginagawa nila na drag show at community outreach programs.
Malaking tulong din para sa kanila na sila ang beneficiary ng mga personalidad na sumasali at nanalo sa Family Feud Philippines, gaya ni Boobay at ng bowling champ na si Bong Coo.
Read: Celebrities celebrate Preview.ph's Pride 2024 Cover
MEET THE GOLDEN GAYS
Kinunan ng mga tauhan ng SCMP Films ang drag show contest ng labimpitong miyembro ng Home for the Golden Gays sa isang restaurant sa Pasay City, noong Mayo 12, 2024, Araw ng mga Ina.
Ang nanalo ay ang retired policeman si Rico Reyes, na "Elizabeth Oro Medes" ang pangalan sa mga drag show. PHP5,000 ang cash prize na natanggap niya.
May kakaibang kuwento si Reyes sa documentary feature ng SCMP Films tungkol sa paraan ng pagtanggap niya sa kanyang tunay na pagkatao.
Lhad niya, “Alam ko sa sarili ko that I’m gay. Sabi ko, kayang-kaya ko naman gawin ito, bakit hindi ko subukan?
“Alam mo ang ginawa ko? Hindi ka siguro maniniwala, yung Sta.Cruz, Avenida na yan, naglalakad ako diyan na nakabihis-babae. Nagpapabastos ako.
“Bakit ako nagpapabastos? To immune myself. To immune my ears sa katatawan nila na 'Uy, bakla. Ang laki-laki ng katawan mo, naka-makeup ka!'
“Siyempre, maraming ganoon, di ba? Ang pagiging beki as a millennial now, hindi na ganoon kahirap kasi we started it all.”
Kabilang din sa mga nagtanghal ang 93-year-old nang si "Lola Noel."
Si Al Enriquez, na ginagamit ang alias na "Carmen dela Rue," ang pangalawa sa pinakamatanda dahil sa kanyang edad na 87.
Si Al ay food vendor sa Baclaran kapag walang nagaganap na drag show.
Dalawa naman sa mga miyembro ng Golden Gays ang gumagamit ng mga pangalang "Sarah Geronimo" at "Sharon Cuneta."
Malaki ang pasasalamat ni "Sarah" sa senior members ng Home for the Golden Gays.
Aniya, “Sobrang pasalamat kami kaya sa mga henerasyon ngayon, magpasalamat tayo talaga sa mga naunang gays dahil sila yung lumaban para unti-unting lumuwang yung pagtanggap sa atin.”
Malaki naman ang pagkakahawig ni Flor Bien Jr. sa veteran actress na si Divina Valencia kaya "Divine Amparo" ang ginagamit niyang pangalan sa tuwing nagtatanghal siya sa mga drag show.
Senior citizen na si "Divine" pero taglay pa rin nito ang kagandahan at magandang boses sa pagkanta na naging puhunan niya sa kanyang pagtatrabaho noon sa Japan bilang entertainer.
GOLDEN GAYS BENEFACTORS
Ang Filipino-American gay couple na sina Jensen at Darwin Quijano ang dalawa sa mga benefactor ng Home for the Golden Gays.
Mula sa Amerika, umuwi sina Jensen at Darwin sa Pilipinas para personal na ibigay sa mga miyembro ng organisasyon ang kanilang tulong.
Sinamahan sila ng kanilang kaibigan na si Doc Gamboa sa pagdadala sa Home for the Golden Gays ng mga kaban ng bigas. Sila rin ang nagbayad ng isang buwan na renta sa apartment na inuupahan ng Golden Gays.
Nanggaling din sa sariling bulsa nina Jensen at Darwin ang mga premyo ng mga nanalo sa ginanap na drag show noong nakaraang buwan.
Bago pa man nag-migrate sa Amerika sina Jensen at Darwin, dati na silang nagbibigay ng tulong sa Home for the Golden Gays dahil isa ito sa kanilang mga adbokasiya.