Kasabay ng pag-uumpisa ng Season 2 ng Lumuhod Ka Sa Lupa ang bagong timeslot nito sa TV5.
Mula sa panghapong programa, mapapanood na sa primetime slot ng Kapatid Network ang action-drama series na pinagbibidahan ni Kiko Estrada simula ngayong Lunes ng gabi, 7:30 P.M.
Read: Kiko Estrada, kapansin-pansin ang "Coco Martin vibe"

Matutunghayan ang Lumuhod Ka Sa Lupa bago ipalabas ang FPJ's Batang Quiapo, ang action-drama series ni Coco Martin na katapat ng Black Rider, ang primetime program ni Ruru Madrid sa GMA-7.
Matagal nang alam ni Kiko na ililipat sa primetime ang TV show na kanyang pinangungunahan, pero natagalan ito dahil hinintay masimulan ang ikalawang season ng Lumuhod Ka sa Lupa.
Hindi lamang si Kiko, kundi ang buong cast ng TV adaptation ng 1986 action movie ni Rudy Fernandez ang masayang-masaya sa bagong oras ng kanilang programa.
Sabi ni Kiko, “We work hard but no expectations. We try to give the best to give the best quality content for the story.
"Ang ganda ng story, e. The script itself was so nice.
“It’s gonna be a dishonor if I fail to deliver, and everyone on the set just has that same level of commitment to their role.
“Everyone in Lumuhod Ka Sa Lupa is good. Walang tapon sa cast.
"That’s one thing I am proud of. This whole show is like a gem."
Read: Kiko Estrada, makakapareha ang kanyang Tita Sarah Lahbati
KIKO ESTRADA COMES FROM FAMILY OF ACTORS
Itinuturing ni Kiko na isang malaking biyayang ipinagkatiwala sa kanya ang pagbibida sa Lumuhod Ka sa Lupa.
Nagkaroon din siya ng realisasyon na talagang mahal niya ang pag-arte na hindi nakapagtataka dahil nagmula ang aktor sa angkan ng mga artista.
Mga lolo ni Kiko si former Philippine President Joseph Estrada at si George Estregan, ang ama ng kanyang tatay na si Gary Estrada.
Hindi na naabutan ni Kiko si George. Isinilang si Kiko noong Hunyo 4, 1992, samantalang binawian ng buhay ang kanyang lolo noong Agosto 8, 1988.
Hindi inililihim ni Kiko na minsan nang pumasok sa isip nito na talikuran ang pag-arte at nagpapasalamat siya dahil hindi niya itinuloy ang kanyang balak.
“Na-realize ko na mahal ko pala yung pag-arte,” pagtatapat ni Kiko.
Nakakaramdam man daw siya ng pagod pero mas binibigyan niya ng pagpapahalaga ang mga taong minamahal at inspirasyon niya.
“Saka sayang desisyon na yon if ever I chose to gave up. You just don’t have to give up.
“Iisipin mo lang naman yung mga inspirasyon mo sa buhay, like your family, your loved ones, your partner.”