Mula nang makipaghiwalay sa kanyang boyfriend na Muslim noong nakaraang taon, hindi na nakipagrelasyon sa iba ang mahusay na stand-up comedian, aktor, at singer na si Petite.
Ang tunay na pangalan ni Petite ay Vincent Aycocho.
Read: Petite, tikom ang bibig sa kaso ng "sister" niya kay Vice Ganda na si Awra Briguela
Sa kabila ng kanilang kasunduang magiging tapat sila sa isa’t isa, nalaman ni Petite na may karelasyong babae ang kanyang ex-boyfriend.
Natuklasan ni Petite na may problema sa kanilang pagsasama dahil unti-unti nang nawawala ang mga personal na gamit ng kanyang dating boyfriend sa bahay na kanilang tinitirhan.
Malaki ang epekto kay Petite ng nangyari kaya nagpasya siyang mahalin muna ang sarili.
Mula noon, hindi na sinubukan ni Petite na humanap ng bagong karelasyon.
"Booking-booking at patikim-tikim" na lang daw ang kanyang ginagawa.
Kahit walang lovelife sa kasalukuyan, maligaya si Petite dahil napagtutuunan na nito ng pansin ang kanyang sarili at kuntento siya sa tahimik na pamumuhay.
PETITE: LOVELESS BUT HAPPY
Kasama ang kapwa komedyanteng si Divine Tetay, si Petite ang isa sa mga bisita ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes ng hapon, Hunyo 24, 2024.

Inilahad ni Petite ang mahirap na pamumuhay nila ng kanyang pamilya sa Bicol kaya kini-claim o inaangkin na niya ngayong mayaman siya.
Saad niya, “Iki-claim ko na buhay-mayaman kasi hindi ko yan naranasan noon.
“Naiiyak ako kasi ngayon ko lang ito nae-experience at lahat ng nae-experience ko ngayon, damay ang pamilya ko kasi deserve nila ang lahat ng ito.”
Malaki na ang ipinagbago ng takbo ng buhay ni Petite dahil natupad na ang karamihan sa kanyang pangarap—makatulong sa pamilya, makapagbiyahe sa iba’t ibang bansa, at bilhin ang lahat ng mga bagay na gusto niya.
“Malaki po ang pagbabago, noon nangangarap ako. Ngayon, ang pangarap ko eto na.
“Napakahirap noon, naglalaba ang nanay ko noon sa batis tapos ang layo-layo ng bahay namin sa Bicol. Four kilometers away sa bahay ko, bundok pa yon.
“May palanggana ako dito [ulo]. Ang laman ng palanggana, yung mga damit na nilabhan ng nanay ko so ang sakit-sakit sa batok ko.
“Ngayon, kaya ko nang bilhan ng laundry shop ang nanay ko,” nagbibiro pero may bahid ng katotohanang pahayag ni Petite.
Read: Petite, dismayado sa kapwa niya Star Image Artist Management talents na sina Gabo at Buknoy Glamurrr
PRIDE MONTH
Ipinagdiriwang ngayong Hunyo ang Pride Month.
Para kay Petite, ang mga miyembro ng LGBTQ community ang pinakamasaya
“Ninety eight percent kami siguro yung may pinakamasayang environment.
"Nagme-makeup pa lang, tumatawa na. Sa stage, tumatawa na. Pagkatapos ng set, tatawa.
“So, ang saya-saya ng buhay. Yung matutulog kang nakangiti talaga,” sabi ni Petite.
Ipinagmamalaki ni Petite ang sariling YouTube channel dahil maraming tao ang kanyang napapasaya.
Aniya, “Hindi ko ine-expect, ang dami ko palang napasaya. Ang dami kong natulungan.
“Minsan, mga nakakasalubong ko sa airport. Yung mga elderly, yumayakap na lang sila sa akin. At meron, yayakap tapos bibigyan ka ng pera.
“Sabi ko, 'Para saan ito?' [Sabi niya], 'Nagamot mo ako, hindi mo lang alam.'
“Ang saya-saya sa pakiramdam.”
Komportable at kuntento si Petite sa mga nangyayari ngayon sa personal at propesyunal na buhay kaya hindi nawawala ang pagsasabi niya ng "I love you" sa mga taong kanyang nakakausap at nakakasalamuha.