Hindi na ikinagulat ng veteran entertainment writer, TV and radio host na si Cristy Fermin ang pag-amin ni Nadia Montenegro tungkol sa tunay na ama ng kanyang anak na si Sophia Angela.
Ginawa ni Nadia ang pag-amin sa panayam sa kanya ni Julius Babao na in-upload sa YouTube channel ng broadcaster noong Hunyo 25, 2024.
Bagamat hindi direktang binanggit ni Nadia ang pangalan ni Baron Geisler sa panayam ni Julius sa aktres, ipinakita sa screen ang mukha ng aktor habang nagsasalita si Nadia tungkol sa ama ng bunsong anak.
May mga patutsada rin si Nadia na malinaw na tumutukoy kay Baron, kagaya ng pagkukuwento ng aktor tungkol sa pagkikita nila ng anak ni Nadia habang nagpu-promote ng bago nitong pelikula.
Read: Nadia Montenegro finally speaks up about alleged daughter with Baron Geisler
BARON GEISLER'S INTERVIEW
Sa eksklusibong pakikipag-usap ng Cabinet Files kay Cristy ngayong Huwebes ng umaga, Hunyo 27, ikinuwento niyang nagkausap sila ni Nadia matapos aminin ni Baron sa interbyu nito kay Ogie Diaz, noong Marso 2024, na may anak siyang babae na lingid sa kaalaman ng publiko.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Baron, pero malakas ang hinala ng publiko na ang kanyang tinutukoy ay ang napabalita noong 2008 na siya ang tunay na ama ng isa sa mga anak ni Nadia.
Read: Baron Geisler regrets missed years with first daughter: "I didn't get to hug her"

Ayon kay Cristy, binigyan siya ni Nadia ng permiso noong Marso 2024 na talakayin ang isyu sa kanyang mga programa. Pero may pakiusap daw ang 52-year-old actress.
Lahad ni Cristy, “Sinabi lang niya sa akin, ‘Nanay, sige magsalita ka, huwag mo lang babanggitin ang pangalan ko.' Malinaw yon.
“'Huwag mo lang babanggitin ang pangalan ko. Sige, Nanay, I am giving you the go signal. Ayoko lang banggitin mo ang pangalan ko.'
“Siguro marami rin siyang iniingatan noon. Na kay Robin Padilla siya sa Senado."
Si Nadia ay kasalukuyang naglilingkod bilang political affairs officer ni Senator Robin Padilla.
View this post on Instagram
Patuloy ni Cristy, “Maba-viral siya at nirerespeto ko yon. Pero yung pagpayag niya na salatin ko ang isyu, more than enough sa akin yon.
"More than enough sa akin nang sabihin niya na, ‘Oo, Nanay, binibigyan kita ng go-signal. Just don’t mention my name.’”
NADIA MONTENEGRO'S 2008 INTERVIEW
Si Cristy ang isa sa mga pangunahing tauhan sa isyung pinagpistahan ng publiko noong 2008.
Siya ang nagbalitang lihim na nagsilang si Nadia ng sanggol sa isang ospital sa Pasig City.
Ang inilantad na sikreto ni Cristy ang naging dahilan para tanggalin siya ng ABS-CBN management bilang co-host ng defunct showbiz talk show na The Buzz, dahil sa reklamo ni Nadia.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Nadia noong Oktubre 6, 2008, tahasan niyang sinabing “outrageous lies” ang balitang pinasabog ni Cristy tungkol sa kanya.
Read: PEP EXCLUSIVE: Nadia Montenegro on issues surrounding her: "I don’t like being in this."
"How ridiculous!" sabi ni Nadia.
"Hindi ko ma-imagine how she [Cristy] can concoct outrageous lies. E, kung totoo sana yan, dapat sana'y hiniwalayan na ako ni Boy!"
Ang "Boy" na tinutukoy ni Nadia ay si former Caloocan City Mayor Macario Asistio Jr., ang asawa ni Nadia na namayapa noong Pebrero 6, 2017.
"My gosh, walang ganyang pangyayari sa buhay ko! Maililihim ba yan samantalang marami ang nakakakilala sa akin? At may mga anak din ako.
"If she wants to create another scandal or controversy, I guess I have to seek legal help na regarding that. I will talk to my lawyers tomorrow [October 6] regarding what moves I should take against Cristy Fermin's statements,.
"Tungkol sa sinasabi niyang nagtaksil daw ako kay Boy at nagbunga yun, produkto na lang yun ng imahinasyon niya. Nagulat nga rin ako, at natawa!” reaksiyon ni Nadia.
Sinabi rin ni Nadia noon na ampon nila ni Asistio ang isa sa mga pinaghihinalaan ni Cristy na anak niya kay Baron.
"Hindi ko itinatago ang dalawang batang yun," mariing sabi ni Nadia tungkol sa dalawang batang inampon umano niya.
"Yung isa nga, kamag-anak pa yun ni Boy. Yung isa naman, inihabilin sa akin. Isang five-year-old, at isang three-year-old.
“Ang sa akin lang, wala naman silang kamalay-malay para masangkot sa ganitong mga problema. Bakit ako magsasalita? E, maski siya [Cristy], hindi niya matukoy kung sino ba yung batang sinasabi niya.”
Read: Why did Nadia Montenegro describe Cristy Fermin as "walang budhi"?
NADIA MONTENEGRO'S 2024 INTERVIEW
Ngunit sa panayam ni Nadia kay Julius Babao na in-upload sa YouTube noong Martes, June 25, 2024, inamin ng aktres ang pagkakaroon ng anak na hindi ang kanyang yumaong asawa ang ama.
Iginiit ng aktres na hindi niya ito inilihim sa mga taong dapat makaalam, kabilang na ang kanyang mga anak at si Boy mismo.

Bahagi ng pahayag ni Nadia: “Yung mga nangyari sa buhay ko before, in the past — siguro umabot sa 17, 18 years na naitago ko — hindi ko ito itinago sa mga taong dapat nakakaalam.
“Hindi ko rin ito itinago sa mga mahal ko sa buhay. Hindi ko itinago sa anak ko. Hindi ko itinago kay Boy.
"In fact, all these years, it was so difficult for people to understand.
“'Bakit okay sila? Bakit nagtagal sila ni Boy? Bakit sila okay ng mga anak niya kung may ganito?'
“Common sense, guys, sa tingin ninyo, hindi ko inayos ito? Tingin ninyo, hindi ko pinlano ito? Tingin ninyo, hindi ko pinroblema ito?"
Dagdag ng aktres, "Buhay ko ito. Buhay ng anak ko. Pangalan ng asawa ko. Pangalan ko.
"But I don’t think I owe anyone an explanation kung anuman ang ginawa ko sa buhay ko.
"Napatawad ako ng Panginoon. Maayos namayapa si Boy na okay kami.
"Maayos ang mga anak ko, sa pagkakaintindi ko. Wala akong pinagsinungalingan sa pamilya ko."
Nagkaroon daw sila ng heart-to-heart talk ni Boy dalawang linggo bago ito pumanaw, kung saan ipinagtapat niya ang lahat.
Lahad ni Nadia: “Two weeks before Boy died, we had a heart-to-heart talk of two and a half hours.
"Which, sinasabi ko sa lahat ng malalapit sa akin na siguro kung hindi nangyari yung two hours na heart-to-heart talk namin ni Boy, not knowing he would die two weeks later, siguro baka hindi niyo na ako nakakausap ngayon.
"Kasi it’s the most valuable, most important conversation we ever had in 29 years.
“I mean, I’ve seen him almost die so many times. Seven times kong nakita na ire-resucitate yung asawa ko.
"Ilang beses siyang inatake sa harap ko. Ang dami nang nangyari sa buhay namin na hindi kami bumitaw sa isa’t isa.
"Ang sinabi niya sa akin, ‘Ipaglaban mo sila. Lahat ng ibinilin ko sa inyo, inyo. At hanggang buhay ako, ako lang ang ama nila.”
Mabilis na "no" ang sagot ni Nadia nang itanong ni Julius kung pinagsisisihan niya ang nagawa sa kanyang buhay.
CRISTY FERMIN'S REACTION
Nang bigyan siya ni Nadia ng permisong magsalita tungkol sa isiniwalat ni Baron noong Marso 2024, buo ang paniniwala ni Cristy na tinanggap na ng aktres na totoo ang mga ibinalita niya noong Setyember 2008 tungkol sa sanggol na inilihim nito
“Ibig sabihin, 2008, na napakalaking lihim na naging dahilan ng pagkawala ko sa ABS-CBN, tinanggap niya.
“Puwede naman banggitin ito dahil okay na kami ni Tita Annabelle [Rama]. Ang kakampi niya noon para magreklamo laban sa akin, si Tita Annabelle, kasi magkaaway kami noon ni Tita Annabelle.
“After that, silang dalawa ang nag-away, nagdemandahan.
"Ganoon ang buhay. Nakakaloka, umiikot lang.”
Kinuwestiyon noon ang kredibilidad ni Cristy dahil sa mariin at matapang na pagtanggi ni Nadia na may anak ito kay Baron—isang kuwentong nagpatibay sa paniniwala ni Cristy na lalabas ang katotohanan sa tamang panahon.
Saad niya, "Ganito ang paniniwala ko sa buhay, hindi natin kailangan ipagpilitan ang kredibilidad natin kasi ang universe, meron siyang tamang panahon para ilabas ang katotohanan at tayo ay mabi-vindicate.
“Imagine, kailan pa ba yan, 2008? Nung napanood ko yung interbyu ni Julius [kay Nadia], sabi ko, ‘Thank you, Lord.'
"Sa panahon ngayon, ang aking kredibilidad ay nililigalig ng mga demanda, merong isang sumulpot na katotohanan na ang ibig sabihin ay bindikasyon ng kredibilidad.
“Yung mga ganoon, kay Phoemela Baranda, kay Aubrey Miles, sunud-sunod yan.”
Ibinulgar din noon ni Cristy na may mga itinatagong anak sina Aubrey at Phoemela na mariing ipinagkaila ng dalawa.
Pero makalipas ang ilang taon, inamin din nila ang katotohanan tungkol sa mga anak na kanilang itinago at inilihim sa publiko.
Ngayong 2024 ay nahaharap sa sunud-sunod na reklamo si Cristy matapos maghain ng magkakahiwalay na cyberlibel complaints laban sa kanya ang mag-asawang Sharon Cuneta at Kiko Pangilinan, at ang dating engaged couple na sina Bea Alonzo at Dominic Roque.
Sinampahan ng reklamo ng mga malalaking personalidad na ito si Cristy dahil umano sa paninira nito sa kanilang reputasyon at malisyosong pahayag nito tungkol sa kanila.
Related Stories: