Magaganap sa araw ng Linggo, Hulyo 14, 2024, ang "Wilcome Back" party ng Wil to Win, ang bagong game at public service show ni Willie Revillame sa TV5.
Pinili ni Willie na idaos ang party sa isang malawak na lugar sa Quezon City na madali niyang mapupuntahan at malalapitan ang mga taga-suporta at taga-hanga na matagalan nang inaabangan ang kanyang pagbabalik sa telebisyon.

Magsisimula naman sa Lunes, Hulyo 15, ang regular na pagtatanghal ng Wil to Win sa studio ng TV5 sa Novaliches City.
Pilit na ginagawan ng isyu ng ibang mga tao ang pagtatapat ng Wil to Win at ng Family Feud Philippines, ang game show ni Dingdong Dantes sa GMA-7.

Nasa dating timeslot ng Wowowin na programa ni Willie ang game show ni Dingdong.
Nagpaalam si Willie sa Kapuso Network noong Pebrero 11, 2022, dahil lumipat siya sa ALLTV.
Sa kanyang pagbabalik sa telebisyon, hindi itinuturing ni Willie na karibal ng kanyang programa ang show ni Dingdong,
Mas mahalaga raw para sa kanya na mas marami sa mga kababayan natin ang mabibigyan nila ni Dingdong ng aliw at mapasasaya.
Mapapanood tuwing ala-singko nang hapon ang Wil to Win samantalang 5:35 P.M. naman ang umpisa ng Family Feud Philippines.
Ang anak ni Willie na si Meryll Soriano, si Maricel Soriano, at ang mga kapatid nito ang maglalaro sa Family Feud Philippines sa Hulyo 15, 2024, ang unang Lunes na pagtatanghal sa telebisyon ng Wil to Win.

Nakapag-taping na sina Meryll at Maricel para rito, at hindi isyu kay Willie ang paglalaro ni Meryll sa Family Feud.
Kaya mabibigo ang mga nagbabalak na mang-intriga na baka pagsimulan ito ng family feud sa pagitan ng mag-ama na maayos na maayos at maganda ang relasyon sa isa’t isa.