Sampung milyong dolyar (US$10 million) o mahigit kalahating bilyong piso (PHP585,260,000) ang talent fee na ibinayad sa Canadian superstar na si Justin Bieber para sa isang pribadong pagtatanghal niya sa Mumbai, India, noong Hulyo 5, 2024.
Sakay ng isang private plane, dumating si Justin sa Mumbai noong Hulyo 4, pero hindi nakalapit sa kanya ang Indian press dahil sa mahigpit na seguridad.
Read: Justin Bieber reveals facial paralysis, cancels Justice concert tour

May kinalaman ang pagbisita ni Justin sa Mumbai sa imbitasyon sa kanyang magtanghal sa sangeet (musical night) pre-wedding ceremony nina Anant Ambani at Radhika Merchant.
Nakatakdang ikasal sina Anant at Radhika sa Biyernes, Hulyo 12, 2024.
Si Anant ang bunsong anak ni Reliance Industries chairman Mukesh Ambani, na kilala bilang pinakamayamang tao sa Asia.
Tinatayang may net worth na US$123.3 billion ang nakatatandang Ambani.
Ang Indian businessman ang ika-labing-isa sa listahan ng pinakamayaman sa buong mundo.
Sandali lamang ang pamamalagi ni Justin sa India dahil pagkatapos ng kanyang pagtatanghal sa pre-wedding celebration sa Nita Mukesh Ambani Cultural Centre ng mga ikakasal, bumalik agad siya sa Amerika.
View this post on Instagram
Sinabi ng isang photographer na nagpunta sa airport para kunan ng video at litrato ang pag-alis ni Justin, hindi pinaunlakan ang kahilingan ng Indian press na makunan ng larawan ang sikat na singer.
INDIAN MEDIA COMPARES JUSTIN BIEBER TO RIHANNA
Hindi naiwasan ng mga miyembro ng Indian media na ikumpara si Justin kay Rihanna, na nagtanghal naman noong Marso 2024 para pa rin sa pre-wedding celebration nina Anant at Radhika.
Naging magiliw umano si Rihanna sa lahat ng mga bisita na binati niya matapos ang kanyang private concert.
Pinagbigyan din ni Rihanna ang mga photo-op request ng mga reporter na nag-abang sa kanya sa airport nang umalis siya sa India.
Ibinahagi ni Justin sa kanyang official Instagram ang mga larawan at video ng kanyang show sa pre-wedding event ng mga ikakasal.
View this post on Instagram
Gumastos ng malaking halaga ng pera sina Anant at Radhika para maimbitahan ang Canadian singer at maging makasaysayan ang kanilang pag-iisang dibdib.
Ilang buwan nang ipinagdiriwang ang pre-wedding nian Anant at Radhika, at ang culminaton nito ay isang engrandeng wedding reception na magaganap sa Hulyo 14, 2024.