Bago naging CEO ng LVNA by Drake Dustin, ang magtayo ng punerarya bilang negosyo ang pangarap ng dating beauty queen na si Rabiya Mateo.
Pero hindi pa ito natutupad dahil nahihirapan siyang maghanap ng embalsamador na napakahalagang tauhan para sa kanyang pangarap na gawing hanapbuhay ang mga patay.
“Nag-research po ako about that, kailangan po ng embalmer.
"E, yung embalmer, parang four years din siya na kurso. So, maghahanap pa po ako ng embalmer!” natatawa pero may panghihinayang ang boses na paliwanag ni Rabiya tungkol sa kanyang “dream business.”
Inaasahan ni Rabiya na magkakaroon pa rin ito ng katuparan.
RABIYA FUNERAL HOME IN ILOILO
Balak ni Rabiya na itayo sa bayan nila sa Iloilo ang pinaplanong negosyo na tiyak na hindi siya mabibiktima ng scam dahil wala nang buhay ang kanyang mga pagsisilbihang tao.
“Sana, in the future, especially sa Iloilo kasi marami pa doon na bakanteng lote.”
Tinanong ng Cabinet Files kung bakit punerarya ang kanyang pangarap na negoso.
Sagot ni Rabiya, “Walang lugi, I would say.
"Honestly, nag-umpisa po yan sa makeup. Kasi minsan, kapag nakikita ko [ang mga patay], minsan ang makeup, masyadong maputi.
“Totoo po, dun nag-umpisa. Masyadong maputi.
"Kung ako ang magkakaroon ng funeral home, it sounds funny lang, but seryoso po ako, gusto ko po, maganda yung makeup.”
Nang usisain tungkol sa naiisip niyang pangalan para sa funeral home business,” Sunod na!” ang napahalakhak na sagot ni Rabiya, na base sa popular advertising slogan na “Sakay na!”
Sinundan niya ito ng salitang “Charot!"
Cum laude graduate si Rabiya sa Iloilo Doctors College at Bachelor of Science in Physical Therapy Program ang kursong tinapos niya.
Tiniyak ni Rabiya na hindi siya takot sa mga patay na tao dahil sa kanyang kurso.
“Nung college, we had cadaver na ano… nag-open kami [ng katawan] to study the muscle.”
Kung si Rabiya ang masusunod, gusto niyang ituloy ang plano na funeral home business.
Pero tutol ang kanyang boyfriend na si Jeric Gonzales dahil sa katuwian nitong marami na ang mga punerarya sa Pilipinas.