Kung pagbabasehan ang mga salitang binitiwan ng Philippine-based Canadian actor na si Nico Locco, hindi maitatangging malalim ang isyu sa pagitan nila ni Anne Jakrajutatip.
Si Anne ang Thai transgender woman na nagmamay-ari sa Miss Universe Organization.
Nakilala ni Nico si Anne noong Hunyo 2022 dahil sa mga proyektong ginawa niya para sa JKN Global Group, ang kompanya ng kontrobersiyal na Thai billionaire.
Siya ang kinuhang host sa Miss Universe Extravaganza, isang malaking okasyon na dinaluhan ng mga nakaraang Miss Universe winners, na ginanap sa Bangkok, Thailand, noong Nobyembre 2022.
Sa panayam ng Cabinet Files kay Nico noong Abril 28, 2023, isinalarawan niya si Anne bilang “amazing," "down-to-earth," at "one-of-a kind person" dahil sa mga kabutihang ipinakita sa kanya.
Pero itinanggi niya ang mga haka-hakang nagkaroon sila ng relasyon.
NICO LOCCO-ANNE JAKRAJUTATIP FALLING OUT?
Ngayong Sabado ng tanghali, Hulyo 20, 2024, nakausap ng Cabinet Files si Nico nang samahan niya ang kanyang girlfriend na si Christine Bermas sa press conference ng Kaskasero, ang pelikulang mapapanood sa Vivamax simula sa Hulyo 26.
Unang binanggit ni Nico na binawasan na niya ang pagpapaseksi sa pelikula dahil higit niyang pinagtutuunan ngayon ng pansin ang kanyang mga hosting job sa iba’t ibang national beauty pageants, tulad ng Binibining Pilipinas at Mutya ng Pilipinas.
Pero nang banggitin ng Cabinet Files ang Miss Universe, nakagugulat ang reaksiyon ni Nico na halatang-halatang malalim ang sama ng loob na kinikimkim laban kay Anne.
“Wala na,” sagot ni Nico nang magtanong kami kung may komunikasyon pa sila ni Anne.
“I just steered away from Miss Universe. Ayokong mag-disclose but…”
“May nangyari?” sumunod na tanong namin kay Nico.
“As long as Anne will be the owner, parang iiwasan ko,” sagot ni Nico.
Hindi ka naman naging biktima ng harassment?
“Hindi. One day I will tell that story,” nakakaintrigang reaksiyon ni Nico.
Anim na beses naging host ng Miss Universe Philippines si Nico, pero ayaw na raw niyang magkaroon ng anumang kaugnayan sa lahat ng mga bagay na may kinalaman kay Anne.
Ano ang mensahe mo para kay Anne?
“Next question. Next question na lang… next question na lang,” paulit-ulit na pag-iwas ni Nico.
Bakit hindi ka nag-report sa pulis?
“Pulis agad? Grabe… grabe naman!” natawang sabi ni Nico, na hindi napilit magsalita tungkol sa hindi niya makalimutang karanasan kay Anne.
“That’s a story for another day,” sabi ni Nico.
May pakiramdam si Nico na hindi magtatagal si Anne sa Miss Universe Organization.
“Feeling ko, another two more years, wala na. Wala nang premium [ang Miss Universe],” pahayag ni Nico, na pasong-paso kapag si Anne ang pinag-uusapan.
Hindi lamang mabenta si Nico bilang emcee ng mga beauty pageant dahil sa susunod na buwan, lilipad siya sa Vietnam para sa mga proyektong gagawin niya.
“I am doing some international projects sa Vietnam.
"Meron akong dalawang series this August with Vietnamese stars, merong Hollywood star. Ako lang yung galing sa Pilipinas,” kuwento ni Nico tungkol sa mga pinagkakaabalahan niyang trabaho.