Ang Vivamax star na si Christine Bermas ang isa sa mga co-host ni Willie Revillame sa Wil To Win.
Malaki ang kanyang pasasalamat dahil bahagi siya ng bagong game at public service program ng TV5.
“Okay pong katrabaho si Kuya Wil. It’s been one week pa lang, pero two months na kaming nagpe-prepare,” sagot ni Christine nang kumustahin ng Cabinet Files ang unang linggo niya bilang co-host ni Willie.
Dagdag niya, “Okay po siya. Very hands on. Kapag work, sobrang nakatutok talaga siya.”
Magkahalong kaba at kasiyahan ang nararamdaman ni Christine bilang co-host ng programa ni Willie.
“May kaba na may excitement kasi being host sa Wil To Win, parang more of fun.
"Nagbibigay ka ng saya talaga sa mga tao. Hindi yung parang host na you have to perform like a host.
“Nailabas ko sa Wil To Win yung self ko na parang kikay-kikay.
“It’s more of nagpapasaya talaga kami, nag-e-entertain kami ng mga tao sa studio na more than 700 people.
"Every day nakikita mo sila so iba yung saya,” masayang kuwento ni Christine nang makausap siya ng Cabinet Files sa media conference ng Kaskasero, ang bagong pelikula niya para sa Vivamax.
SECOND CHANCE
Tumatanaw ng utang na loob si Christine kay Willie dahil ito ang nagbigay sa kanya ng pangalawang pagkakataon.
Ipinagtapat ni Christine na hindi siya nakapasa sa unang pagsabak niya sa audition, pero nakita ni Willie na hindi siya basta sumusuko at matindi ang determinasyon niyang maging co-host ng programa.
Lahad ng Vivax star: “Dalawang beses akong nag-audition.
"Yung una, may mga kasama rin ako na taga-Vivamax, but then, hindi ako nakapasok.
“Nung second time, hindi ko talaga inayawan. Nag-audition uli ako. Ang mga kasama ko naman noon, puro beauty queens.
“Natuwa po si Kuya Wil kasi hindi talaga ako nag-give up. Pumunta pa rin ako sa second audition.
“Nung una po kasi, ang ginawa namin, sing and dance ang mga talent namin.
“So, parang ang sinabi ni Kuya Wil, bibigyan na lang niya ako ng segment na puwede akong sumayaw at kumanta.
“Sabi ko, parang gusto kong magbigay ng fun sa lahat ng mga tao.
"Nung second time, sabi niya, ‘Okay ito. May dedication sa self niya.'"
FROM SEXY MOVIES TO FAMILY SHOW
Napapanood ang Wil To Win mula Lunes hanggang Biyernes kaya inayos mabuti ni Christine ang kanyang schedule para makagawa pa rin siya ng mga pelikula.
Saad niya: “Fifteen movies na ang nagagawa ko para sa Vivamax.
"Sobrang grateful ako most especially sa Viva dahil nabigyan nila ako ng opportunity na makapag-mainstream.
"But it doesn’t mean na hindi ako gagawa ng mga project na pang-Vivamax.
“Dumarating kami sa studio, 12 noon. Yun po ang time namin for the show kasi new po yung mga co-host. New po lahat.
"Nag-e-effort po kami talaga to come early para maayos yung show.
“Inaayos ang schedules namin. I have weekends off, dun ko ini-squeeze in yung mga schedule para sa projects.
"Puwede rin naman na after live [ang shooting para sa Vivamax projects]."