Unang ipalalabas ang trailer ng Combo on the Run, ang docu-feature tungkol sa Eraserheads, sa San Diego Comic-Con 2024 sa San Diego, California, USA, sa Hulyo 26, 2024.
Ayon sa Forbes, ang San Diego Comic-Con na itinatag noong 1970 ang itinuturing na pinakamalaking comic convention sa buong mundo na nag-transition mula sa specialist comic-book, sci-fi at fantasy hub patungo sa mammoth multi-genre na okasyon.
Si Maria Diane Ventura ang sumulat at direktor ng Combo on the Run.
Ito ang unang proyekto niya matapos makatanggap ng mga papuri ang kanyang pelikulang Deine Farbe, na nagwagi ng mga parangal bilang Best German Feature sa Berlin Festival at Best Director sa Manhattan International Film Festival noong 2021.
Read: Deine Farbe ni Direk Diane Ventura, lumikha ng ingay sa Hofer Filmtage sa Germany
Nag-umpisa ang produksiyon ng Combo on the Run nang itanghal ang Huling El Bimbo noong 2022.
Si Ely Buendia at ang Voyage Studios ang mga producer ng documentary feature tungkol sa sikat na banda noong dekada ’90.
Mga miyembro ng Eraserheads sina Ely, Buddy Zabala, Marcus Adoro, at Raymund Marasigan.
Kasalukuyan silang nagtatanghal sa Amerika at Canada para sa kanilang Huling El Bimbo world tour.
ERASERHEADS ON THE LEGENDARY LUMPIA SQUAD
Itatampok ang Eraserheads sa San Diego Comic-Con exclusive issue ng The Legendary Lumpia Squad, ang Filipino-American indie comic.
Mangyayari naman sa Hulyo 26 ang panel tungkol sa “Lumpia Universe” na idaraos sa San Diego Convention Center.
Tiyak na ang pagdalo ni Ely sa Lumpia Universe.
Makakasama niya sa panel ang Lumpia Squad creator na si Patricio Ginesla at ang legendary artist na si Whilce Portacio.
Si Portacio ang Filipino-American comic book writer at artist na malaki ang kontribusyon bilang penciller ng The Punisher, X-Factor, Uncanny X-Men, Iron Man, Wetworks, at Spawn.
Magkakaroon din si Ely ng partisipasyon sa autograph signing na nakatakda sa Hulyo 27, 2024.
Mapapanood ang trailer ng Combo on the Run sa official YouTube channels ng Eraserheads at DVent Picture pagkatapos ng trailer premiere sa San Diego Comic-Con.