Isang lalake ang binawian ng buhay matapos makuryente habang bumubuhos ang malakas na ulan sa kanto ng Almeda Street at Tayuman Street, sa Barangay 154, sa Maynila.
Ibinalita ng aktor na si David Chua sa Cabinet Files ang tungkol sa masaklap na nangyari kay David Gerona, ang 32-year-old backhoe operator mula sa Parañaque City na nagtatrabaho sa Maynila.
Nangyari ang trahedya bandang alas-onse ng tanghali nitong Miyerkules, Hulyo 24, 2024.
Read: Actor-director David Chua ipinagmamalaki ang pagiging laking-Tondo
Ayon kay David, mula sa kanyang kinatatayuan ay nasaksihan niya ang pagkakagulo ng mga tao matapos makuryente si Gerona, na agad na binawian ng buhay.
Nag-iikot si David sa naturang lugar para mamahagi ng bigas, noodles, at mga delata sa kanyang mga kababayan na naapektuhan ng malakas na ulan at baha, na hanggang beywang ang taas, dahil sa pananalasa ng bagyong Carina.
life is short
Nanlumo at nalungkot si David sa pangyayari. Nakunan pa niya ng video habang isinasakay si Gerona sa tricycle para dalhin sa ospital pero huli na ang lahat dahil binawian na ng buhay ang biktima.
Sinabi ni David na napagtanto nitong maiksi ang buhay.
Aniya, “Walang edad na pinipili ang pagwawakas ng buhay kaya dapat maging mabuti tayo palagi sa isa’t isa.”