Isang brand new sport utility vehicle (SUV) ang gantimpala ni Ruru Madrid sa sarili para sa isang taong pagtatrabaho bilang lead actor ng Black Rider, ang primetime action-drama series ng GMA-7 na nakatakdang magwakas sa Biyernes, Hulyo 26, 2024.
Read: Ruru Madrid, Yassi Pressman promise heroic finale of Black Rider
Nang makausap ng Cabinet Files si Ruru pagkatapos ng kanyang live guesting sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes ng hapon, Hulyo 25, 2024, inusisa namin kung ano ang regalo niya sa sarili.
Sinabi ni Ruru ang pangalan ng kanyang bagong pundar na sasakyan na bunga ng mga pinaghirapan niya sa mabibigat, nakapapagod, at maaaksyonng eksena sa Black Rider.
Sa pagsasaliksik na ginawa ng Cabinet Files, lumitaw na halos limang milyong piso ang halaga ng sasakyang binili ni Ruru.
LAST TAPING DAY FOR BLACK RIDER
Nang itanong ng Cabinet Files ang kanyang pakiramdam matapos makunan ang huling eksena niya sa kanyang magtatapos na drama-action series, ikinuwento ni Ruru na inakala nitong maiiyak siya pero hindi ito nangyari.
“Hindi pa nagsi-sink sa akin,” pahayag ni Ruru.
Ganito rin ang sinabi niya sa panayam sa kanya ni Boy Abunda.
Saad ng Kapuso actor: “Hindi pa siya totally nagsi-sink sa akin. I dunno, siguro nga dahil may dalawang gabi pang mapapanood ang Black Rider.
“But to be honest, I am just very happy na na-survive po namin yung isang taon na pagte-taping.
“Maraming mga pinagdaanan na pagsubok pero kinaya po namin. Ito po yung pinakamahabang ginawa ko.”
Ikinuwento ni Ruru na alam na niya ang magiging katapusan ng kuwento ng Black Rider, pero hindi pa ito batid ng kanyang co-stars.
“Alam ko na dahil natapos na kaming mag-taping. Pero ang nangyari, hindi alam ng maraming cast [members] dahil yung script po namin, hindi po kami binibigyan ng isang buong script.
“Para siyang naka-Google docs, umaandar siya. Puwedeng mapalitan, puwedeng mabago.
"So, yung ibang mga artista, pinili nilang huwag nang sundan at ma-surprise na lang sila pagdating sa set,” paliwanag ni Ruru.
Read: Ruru Madrid: "Hindi ko po in-expect na mararating ko po yung kung nasaan ako ngayon."
MMFF 2024 OFFICIAL ENTRY
Masaya si Ruru dahil nagkatotoo ang kanyang pangarap magkaroon ng pelikulang opisyal na kalahok sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na magaganap sa Disyembre 2024.
Ang Green Bones ng GMA Pictures, na pagbibidahan nila ni Dennis Trillo mula sa direksiyon ni Zig Dulay, ang proyektong tinutukoy ni Ruru.
Read: 50th MMFF entries: comedy, drama, action, horror, at musical

Lahad ni Ruru, “Sinabi po na magkakaroon ako ng MMFF film with Dennis Trillo.
“So, it’s an honor na makatrabaho ko muli si Kuya Dennis sa isang pelikula, at isang pangarap na naman po ang natupad na makagawa ako ng MMFF movie this year.
“Actually, last year, feeling ko na-manifest. I was watching Firefly at sinabi ko sa sarili ko, 'Feeling ko next year. Alam ko next year, meron akong MMFF [entry].'
"So, parang feeling ko, na-manifest yan."
Ang Firefly, entry ng GMA Pictures sa MMFF 2023, ang hinirang na best picture.