“Back to regular programming” ang Wil To Win ngayong Biyernes ng hapon, Hulyo 26, 2024.
Ito ang kinumpirma ni Willie Revillame sa Cabinet Files aya tatanggap na uli ng mga manonood sa TV5 Novaliches studio ng game at public servce program niya.
Kinansela ang live telecast ng Wil To Win noong Miyerkules, Hulyo 24, dahil sa malakas na buhos ng ulan at pagbaha na epekto ng bagyong Carina.
Read: Fast Talk at Wil To Win, kanselado ang live show dahil sa bagyo
TELETHON FOR TYPHOON VICTIMS
Noong Huwebes, Hulyo 25, live na napanood ang programa ni Willie. Pero isang telethon ang nangyari para matulungan ang mga Pilipinong nasalanta ng kalamidad na mapaminsala.
Sa pakikipagtulungan ng Alagang Kapatid Foundation ng TV5, tagumpay ang ginanap na telethon.
Kabilang ang mga co-host ni Willie at production staff ng kanyang TV show sa mga nagbigay ng financial help sa mga apektado ng bagyo at baha.

Bago nag-umpisa ang telethon ng Wil To Win, nagsalita si Willie tungkol sa malungkot na pangyayari.
Pahayag niya: “Mga kababayan, Kapuso, Kapamilya, Kapatid at sa bawat Pilipino.
“For the past two days, meron po tayong pagsubok na namang pinagdadaanan. At ang tema po ng programa natin ngayon ay hindi po para magsaya, hindi po para mag-celebrate.
“Para po dumamay, makinig, manood, at pakiramdaman po natin ang mga pangyayari na palagi nating pinagdaraanan.
“Na sana sa mga ganitong kalamidad, dumarating na pagsubok, sana po ay marami tayong natutulungan.
“Meron na naman pong nagbuwis ng buhay, malungkot po dahil lagi na lang nating pinagdadaanan at laging may nagbubuwis ng buhay.
“Ang programang ito ay magbibigay ng ating abot-kayang tulong sa ating mga kababayan, kasama po ang TV5, Mediaquest, at siyempre, ang programang Wil To Win.”
Pagpapatuloy ni Willie: “Wala kaming games, walang tanungan, dahil ito po ay pakikiramay sa mga naulila at sa mga kababayan nating naghihirap ngayon.
“Mahirap ho ngayon dahil hindi kayo basta-basta mapupuntahan, halos lahat ng Metro Manila ay binaha.
“Tatawagan po namin kayo para sa abot-kayang tulong na puwedeng ibigay ng programa, kasama po ang Alagang Kapatid Foundation.
“Huwag ho kayong bibitaw para makita natin ninyo talaga kung ano ang mga nangyari sa past two days na napakahirap ng pinagdadaanan natin, pagkatapos ng [mga bagyong] Yolanda, Ondoy, eto naman si Carina.
“Sana sa mga darating na kalamidad, matuto na tayo at maging masunurin sa mga namumuno sa inyong lugar.
“Sana po ay maging maayos na sa mga darating na araw at humupa na ang mga baha.
“Marami po kaming mga gagawin na hakbang para makatulong sa ating mga kababayan.”
Read: Willie Revillame, nagreklamong nahihirapan na sa Wil To Win