Kabilang sa judge o miyembro ng selection committee sa Miss USA 2024 ang Filipino shoe designer na si Jojo Bragais.
Si Bragais ang nag-iisang Asian sa mga hurado na kinabibilangan nina TV personality Sheana Say, Anastasia Beverly Hills CEO Anastasia Soare, singer Gavin DeGraw, motivational speaker Natasha Graziano, NJ Falk, Miss USA 1990 Carole Gist, at Miss USA 1994 Lu Parker.
Read: Pinoy shoe designer Jojo Bragais, natupad ang pangarap maging bahagi ng Miss Universe
Si Alma Cooper ng Michigan ang nanalong 73rd Miss USA sa koronasyon na ginanap sa Peacock Theater, Los Angeles, California, noong Linggo ng gabi, Agosto 4, 2024 (Lunes ng umaga, Agosto 5, sa Pilipinas).
Si Cooper ang opisyal na kandidata ng USA sa Miss Universe 2024 na idaraos sa Mexico bago matapos ang taon.
View this post on Instagram
JOJO BRAGAIS ON BEING A MISS USA JUDGE
Nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap si Bragais, ilang oras bago naganap ang coronation night ng Miss USA 2024.
Ngkuwento siya tungkol sa kanyang matagal na inilihim na importanteng partisipasyon sa nabanggit na beauty pageant.
Lahad ni Bragais: “Mga last week of May, I received an email from Miss USA Organization President Layla Rose that says, ‘Hi, Lindsay please meet Jojo Bragais. He is a great candidate for judge panel for Miss USA.
“Please connect with each other and let me know what details you need from me.’
“Then I replied after tungkol sa details na kailangan nila from me.
“I received a call from Lindsay in whatsapp and she discussed about the show, how exciting this season is and a lot more.”

Ano ang mga paghahanda mo bilang miyembro ng 73rd Miss USA selection committee?
“Panatilihing secret ang imbitasyon sa akin bilang judge dahil talagang bawal malaman.
“Saka visa application lang para sa mga kasama ko sa travel going to Miss USA then nag-diet ako nang kaunti,” sagot ni Bragais na sinundan nito ng malakas na tawa.
Ano ang mga natututunan niya mula sa kanyang mga karanasan sa Miss USA 2024.
Saad niya, “Marami! It’s very amazing how they handle the show itself. The way yung takbo niya is iba rin sa Pilipinas.
“May kanya-kanyang departments handling certain things, like from briefing the judges to the people assisting you.
“From the judges holding area to our actual seats sa judging panel. Even to smallest details na where to look sa camera sa introduction ng judges.
“It’s on time talaga. Kapag sinabi na start at matatapos ng ganitong oras, talagang sinusunod.”
Read: Design ng Bragais footwear para sa Miss Universe 2022, inspired kay Miss Globe 2021 Maureen Montagne
MISS USA 1994 LU PARKER
Si Miss USA 1994 Lu Parker ang huradong katabi ni Bragais sa panel of judges kaya sila ang madalas na magkausap.

May mga kuwento si Lu tungkol sa mga Pilipino at sa Pilipinas dahil dito ginanap ang Miss Universe 1994.
Si Lu ang kinatawan noon ng USA at si Charlene Gonzalez ang kandidata ng ating bansa.
Kuwento ni Bragais: “I was seated with Miss USA 1994 Lu Parker. She competed sa Miss Universe held sa Manila and si Charlene Gonzalez ang kalaban niya.
“She shared her experience and how Manila became a part of her life. She is also very warm as a person at siya ang kadaldalan ko.”
Hindi sigurado si Bragais kung siya ang kauna-unahang Pilipino na nagsilbing hurado sa Miss USA.
Pero sa pagkakaalam niya, siya ang unang Pilipinong inilipad sa Amerika ng Miss USA Organization. Malaking karangalan ito para sa kanya dahil naging bahagi siya ng isang prestigious beauty pageant.
Bilang pagbibigay-pugay sa Pilipinas at pagmamalaki sa kultura ng mga Pilipino, Barong Tagalog ang isinuot ni Bragais sa coronation night ng Miss USA 2024.
Lumipad si Bragais sa Los Angeles, California, noong Agosto 1 para sa 73rd Miss USA. Nakatakda siyang bumalik sa Pilipinas sa Agosto 15.
“May mga kailangan lang akong ayusin dito na ibang contracts before going back home,” pahayag ni Bragais sa Cabinet Files.