Isang biglaang town hall meeting o general assembly ng mga empleyado ng TV5 ang magaganap sa Lunes ng umaga, Agosto 12, 2024.
Pinaniniwalaang may kinalaman ang general assembly sa reklamong sexual harassment ng 22-year-old independent contractor at news researcher laban sa TV5 News and Public Affairs program manager na si Cliff Gingco.
Read: Talent accuses TV5 program manager of sexual harassment
Isang malaking balita na pinag-usapan at yumanig sa pamunuan ng TV5 noong Biyernes, Agosto 9, ang reklamo ng hindi pinangalanang news researcher.
Detalyado nitong ikinuwento sa Wanted sa Radyo, ang programa ni Senator Raffy Tulfo, ang pang-aabusong naranasan umano niya.
Nagalit si Tulfo nang marinig nito ang salaysay ng complainant.
Nagbanta siyang magbibitiw sa kanyang programa sa TV5 dahil tila pinoprotektahan ng pamunuan ng News & Public Affairs ang akusado.
Read: Raffy Tulfo calls out TV5 for sexual harassment complaint
Nagbitaw rin ng salita si Tulfo na magpapatawag siya ng senate hearing at paiimbitahan niya ang mga sangkot sa isyu kapag hindi pinatawan ng suspensiyon ang inirereklamong program manager.
Read: Talent na inireklamo ang TV5 program manager, tinanggal sa trabaho
COMPLAINANT'S EVIDENCES
Ang mga pahayag ni Tulfo ang dahilan kaya ipinatawag ng HR ng TV5 ang complainant para sa imbestigasyon na kanilang gagawin bukas, Lunes, Agosto 12.
Inipon na ng complainant ang mga ebidensiyang magpapatunay na totoo ang kanyang mga paratang laban sa akusado.
Kabilang dito ang kopya ng CCTV footage na ebidensiyang magkasama sila ni Gingco sa isang bar sa Poblacion, Makati City, noong Hulyo 22, 2024.
Pati na ang larawang kuha noong umaga ng Hulyo 23, habang nasa kuwarto sila ng isang hotel sa Pasig City, ang lugar na pinangyarihan umano ng pang-aabuso.
Desidido ang complainant na mapanagot ang akusado at magkaroon ng hustisya ang mapait na karanasan.
Noong Hulyo 23 din ay kaagad isinumbong ng complainant sa kanyang inang nagtatrabaho sa ibang bansa, pati na sa Pasig City Police station at sa Action Center ng TV5, ang nangyaring pang-aabuso.