Masusubok ang prinsipyo at paninindigan ni Carlos Yulo sa nakatutuksong alok ng billionaire businessman na si Luis "Chavit" Singson.
Handa raw magbigay ng limang milyong piso si Singson kung magkakasundo ang two-time Olympic gold medalist at ang pamilya nito.
Read: Carlos Yulo breaks silence on money issue with his mother
Pera ang sinasabing ugat ng hidwaan ni Carlos at ng kanyang inang si Angelica kaya malalaman sa mga susunod na araw kung pera rin — sa pamamagitan ng pabuyang ipagkakaloob ni Singson — ang magiging dahilan para magkapatawaran ang mag-ina.

Inilahad ni Singson sa kanyang official Facebook page nito ang kanyang tempting offer.
Base sa kuwento ng dating gobernador ng Ilocos Sur, may nakausap na siyang miyembro ng pamilya ni Carlos.
Lahad niya: “Parang nag-away-away, hindi nila makontak. So, kako, okay lang, pero paano kaya makontak?
“Nag-press release na lang ako para lang magsama-sama sila, buong pamilya, magbibigay ako ng limang milyon.
“Hindi [dahil] sa panalo niya na gold sa Olympics, more on yung sa pamilya.
"Kasi nararamdaman ko yung kaaway mo yung anak mo. Masakit sa ama na aawayin ka ng anak mo at hindi man lang sila inimbita.
"So, kako, kung magsama-sama lamang sila, magbibigay ako ng limang milyon."
Marahil ang tinutukoy ni Singson ay ang hindi pagsalubong ng pamilya ni Carlos sa pagdating nito, kasama ang iba pang Pinoy athletes na lumahok sa Paris Olympics, sa Villamor Airbase noong August 13, 2024.
Read: Lolo ni Carlos Yulo, bakit di nakasama sa airport salubong?
SINGSON UPDATED ABOUT CARLOS YULO'S FAMILY ISSUE
Tila pinagana ni Singson ang kanyang pagiging "Marites" dahil alam nitong may alitan sa pagitan ng two-time Paris Olympics gold medalist at ang pamilya nito, partikular na ang ina nitong si Angelica Yulo.
Read: Carlos Yulo's mother Angelica offers tearful apology to son
"Talagang mahirap mapagbati, may nakaraan sila kasi na masama, yung nanay," sabi ng politician-businessman.
“Ang sigurado, si Carlos Yulo at saka yung tatay, yung mga pamilya nila.
"Yung nanay ang kinakausap pa dahil masama ang loob nung bata, dahil may away yata nung nakaraan.
“Dahil may sinabi sa akin, hindi ko lang mabanggit dito yung personal na away nilang mag-ina.
"Pero yung tatay, parang pumayag na magbati sila saka dadalhin ang pamilya sa akin.
"Subukan ninyo rin kako na kung maisama yung nanay, mas maganda...
"E, maganda magsama-sama sila. Importante sa akin, magsama-sama silang buong pamilya."
Pinayuhan din ni Singson si Carlos na matutong magpatawad.
Saad ng controversial personality: "Kung anuman ang napag-awayan noong araw, sana patawarin ninyo na ang nanay ninyo.
"Kung siya ang may kasalanan o kung sinuman ang may kasalanan, mas maganda sana dahil wala ka naman dito sa mundong ito kung hindi [dahil] sa nanay at tatay mo.
"So, nakikiusap ako.
“Maligaya kayong pamilya, maligaya na rin ako kaya magbibigay ako ng limang milyon sa pamilya ninyo kung mapatawad ninyo ang isa’t isa.”
Si Singson ay kilalang dating malapit sa isa pang popular athlete, ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
Read: Manny Pacquiao and Chavit Singson bury the hatchet
CARLOS YULO'S INCENTIVES
Kung tatanggapin ni Carlos ang pabuya ni Singson na limang milyong piso, pra lamang magkasundo sila ng kanyang pamilya, karagdagan ito sa mga incentive at premyong matatanggap ng Filipino gymnast dahil sa tagumpay niya sa Paris Olympics.
Sigurado na ang pagiging milyonaryo ni Carlos dahil sa mga sumusunod na premyong kanyang matatanggap at natanggap na:
1. Tatlong milyong piso (PHP3M) at PHP32M three-bedroom condo unit sa Taguig City mula sa Megaworld.
2. House and lot sa Nasugbu, Batangas, mula sa Century Properties Group
3. House and lot sa Tagaytay City mula sa Philippine Sports Commission
4. Dalawampung milyong piso (PHP20M) na bigay ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.
5. Dalawampung milyong piso (PHP2M) base sa mandato ng Republic Act 10699
6. Labing-apat na milyong piso (PHP14M) mula sa House of Representatives
7. Limang milyong piso (PHP5M) na bigay ng ArenaPlus
8. Tatlong milyong piso (PHP3M) mula sa Bounty Fresh
9. Toyota Land Cruiser Prado mula sa Toyota Motor Philippines
10. Mga lifetime supply ng serbisyo at produkto mula sa iba’t ibang kompanya.