Ipinagdiwang ni Willie Revillame at ng kanyang mga co-host sa Wil To Win ngayong Huwebes, Agosto 15, 2024, ang unang buwang anibersaryo ng kanilang programa sa TV5.
Nagsimulang umere ang Wil To Win noong Hulyo 15, 2024.
Read: Willie Revillame, napaiyak sa TV comeback
Kasabay ng pagdiriwang ng first monthsary ng kanyang game at public service show ang paglilinaw ni Willie na walang katotohanan ang kumakalat na balitang hanggang Disyembre 2024 na lamang mapapanood sa telebisyon ang Wil To Win.
Pahayag ng TV host: “Huwag kayong mag-alala. Hindi kami papayag na basta-basta mawala ang programang ito.
"Maraming tsismis, isang buwan na lang daw kami, hanggang December. Hindi ho totoo yon.
"Ako ang gagawa ng paraan, hindi mahihinto ang programang ito para sa inyo. Basta gusto namin, masaya kayo.
"Basta lahat ng nagagalit sa akin, lahat ng nayayabangan, naging arogante ako, darating ang panahon, mamahalin ninyo rin kami dito."
WILLIE REVILLAME APOLOGIZES FOR OUTBURSTS ON LIVE TELEVISION
Humingi rin ng paumanhin si Willie sa publiko dahil sa mga pagkakataong nagalit siya sa ere noong mga unang linggo ng Wil To Win sa TV5.
Read: Willie Revillame, nagreklamong nahihirapan na sa Wil To Win

Saad niya: “Maaaring yung iba, hindi ako maintindihan. Nagagalit ako sa ere, pinapahiya ko ang staff.
“Hindi ho yun yon. Gusto kong maging maayos ang programang ito. Dapat tama ang gagawin.
“Marami na akong pinagdaanan. Alam ninyo naman yung pinagdaanan ko. Ayoko nang banggitin lahat yon.
“Kaya sana maintindihan ninyo kung ako ay nagagalit sa ere dahil, una, nire-rehearse namin yan. Bago kayo pumasok dito, nagre-rehearse kami.
“Ang point ko lang, bakit pa nagkakamali? Ibig sabihin, wala sa puso, wala sa isip mo ang ginagawa.
"Bakit ako, ang dami kong iniisip, hindi lang naman ito? Lahat.
“Bakit nagagampanan ko yung dapat kong gawin?"
Read: Willie Revillame, nagsagawa ng telethon para sa typhoon victims
Pagpapatuloy ni Willie, "Humihingi ako ng paumanhin sa mga nasaktan. Pero ang akin lang purpose, mapaganda ang programa sa bawat Pilipino na nanonood.
“Tanggap ko yan. Yung naba-bash ako, 'Arogante, mayabang yan, akala mo kung sino.'
"Sabihin ninyo na lahat ng gusto ninyo, malinis ang hangarin namin.
"Gusto kong makapagpasaya, makatulong sa abot-kaya po ng maibibigay namin sa bawat Pilipino.
“Uulitin ko, sa mga basher ko, mahal ko kayo. Sabihin ninyo na lahat nang sasabihin ninyo, okay lang sa akin yan.
"Basta kami, mabuti ang hangarin namin."