May paliwanag ang Tutok To Win party-list representative at TV host na si Sam Verzosa tungkol sa mga mamahaling de-lata na ipinamimigay niya sa mga mahihirap na Pilipino na dahilan kaya siya binabansagang “Spam Verzosa.”
Read: Sam Verzosa discloses sign he's waiting for to marry Rhian Ramos
Lahad ng businessman.politician/TV/host: “Naaalaala ko kasi nung wala pa kami. Masarap ‘yung pakiramdam kapag espesyal yung natanggap mo.
“Ito kasi yung mga pagkain na paborito ko noong bata pa ako.
"Gusto kong matikman, masarap yung Delimondo, Cadbury chocolates. Minsan may gourmet tuyo pa, Korean noodles.
“Ito yung mga paborito ko so bakit hindi ko ipatikim sa mga kababayan ko? Naghihirap na nga, e, minsan nasusunugan, minsan nababaha, sardinas pa ang ipapatikim sa kanila.
"So, kung makakaya ko naman, ibibigay ko yung minsan lang nila matikman.
“Saka yun ang laging hinihingi sa akin. Ibinibigay ko para masaya.”
Nakasanayan na raw kasi niya ang pamamahagi ng mga mamahaling de-lata, na umaabot sa 3,000 piraso, na natatanggap ng mga taong naninirahan sa depressed areas na binibisita niya bago pa man siya nahalal na party-list representative noong 2022.
View this post on Instagram
SAM VERZOSA AS WILLIE REVILLAME'S CO-HOST
Bukod sa Dear SV, ang kanyang public service program sa GMA-7, co-host si Sam ng Wil To Win, ang game at public service show ni Willie Revillame sa TV5.
Saad niya, “Nagpapasalamat ako kay Kuya Wil, binigyan niya ako ng napakaraming opportunity sa buhay ko.
"Ginawa niya akong host, naging kilala ako, nakatulong ako sa mga tao, naluklok ako sa puwesto, binigyan pa niya ako ng chance na maging co-host ng Wil To Win.
“At ngayon, sabi niya, ‘Tumulong ka sa mga kababayan natin. Ikaw ang extension ng Tutok to Win.'
“So I feel kailangan my gawin ako. Kailangan tumindig ako. Kailangan kong gawin ang mga bagay na ito kasi maraming ibinigay sa akin ang nasa Itaas.”
View this post on Instagram
SAM VERZOSA'S HUMBLE BEGINNINGS
Sa kabila ng mahirap na pamumuhay noon ng kanyang pamilya, nakapagtapos si Sam ng Civil Engineering sa University of the Philippines bilang scholar ng bayan.
Naging contestant din siya ng Battle of the Brains noong high school student siya.
Hanggang ngayon, napapanood sa YouTube ang video ng paglahok ni Sam sa Battle of the Brains.

Read: Humble beginnings push businessman-politician Sam Verzosa to focus on reducing poverty
Si Sam ang nasa likod ng tagumpay ng Frontrow, isang matagumpay na negosyo na malaking bagay para sa pagtulong na ginagawa niya sa mga mahihirap na Pilipino.
Saad niya, “Mabuti na lang, mabait ang Diyos sa akin, na-bless ako ng magagandang businesses at naitutulong ko kaya nga suwerte lang ako dahil bago pa ako napunta sa pulitika, naging successful na tayo sa negosyo.
“At least, kahit papaano, meron na tayong pinagkukuhanan. Hindi na kailangan, sabi ng iba, na manghingi tayo kung saan-saan dahil may sarili tayong pondo.”
Sa tanong ng Cabinet Files tungkol sa kanyang mga dasal ngayon, sagot ni Sam: “Mula bata ako, ang dasal ko lang, love, peace and prosperity.
“Totoo yan, simula pa noong bata ako. Paulit-ulit.
"Wala akong idinasal para sa sarili ko, palaging para sa ibang tao, love, peace, and prosperity.
“Ang next ko na dasal, 'Patawarin po Ninyo ako sa lahat ng mga nagawa kong kasalanan dahil hindi naman ako perpekto.'
"At siyempre, ang pinakahuli, ang pasasalamat. 'Thank you Lord sa blessings na ibinigay Mo.'”
Nakukulangan si Sam sa beinte-kuwatro oras dahil sa dami ng kanyang mga ginagawa.
Pero may panahon pa siya para sumali sa New York Marathon na magaganap sa Nobyembre 3, 2024 sa New York City, at ito ang pinaghahandaan niya.