Pumanaw ang Asia's Queen of Songs na si Pilita Corrales ngayong Sabado, April 12, 2025.
Siya ay 87 taong gulang.
Ang apo ni Pilita, si Janine Gutierrez, ang nagkumpirma ng pagpanaw ni Pilita.
Semi-retired na sa pagtatanghal si Pilita bago pa ito binawian ng buhay.
Pero hindi dapat kalimutan ng mga Pilipino ang mga kontribusyon niya bilang mang-aaawit at aktres sa industriya ng musika, telebisyon, at pelikula.
Read: Pilita Corrales overcomes wardrobe malfunction at concert; jokes about her hospitalization
Ipinagdiwang ni Pilita ang ika-87 kaarawan noong Huwebes, Agosto 22, at noon nga ay inalala at binigyang-pugay ang araw ng kanyang pagsilang.
Bumilang na ng maraming taon ang singing career ni Pilita na itinuturing na isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa Pilipinas.
PILITA CORRALES'S RECORDING CAREER
Mga Kastila ang mga magulang ni Pilita na isinilang sa Cebu.
Tinalikuran niya ang pag-aaral sa Madrid, Spain para pumasok sa showbiz nang mamatay ang kanyang ama.
Unang sumikat si Pilita bilang recording artist at television star sa Melbourne, Australia, noong 1959 matapos manguna sa charts ang kanyang kantang "Come Closer to Me."
Ang tagumpay ni Pilita sa Australia ang dahilan kaya ipinangalan sa kanya ang isang kalye, ang Pilita St. sa Forest Hill, state of Victoria, Melbourne.
Nang bumalik si Pilita sa Pilipinas noong 1963, naging radio star siya sa La Taverna ng DZPI.
Nagtanghal siya sa mga sikat na teatro noon, ang Clover at Manila Grand Opera House.
Paborito si Pilita sa concert scene kaya naimbitahan siyang magtanghal kasama ang mga international singer na sina Matt Monroe, Ray Charles, Sammy Davis Jr., at The Beatles.
Naranasan din ni Pilita na makasama sa tour ni Bob Hope (May 29, 1903 - July 27, 2003), ang pinakasikat na American entertainer at producer noon.

"A MILLION THANKS TO YOU"
Lalong nagningning ang bituin ni Pilita sa Pilipinas dahil sa kanyang hit song na "A Million Thanks to You" na komposisyon ni Alice Doris Gamilla ng Nagcarlan, Laguna.
Ang "A Million Thanks to You" ang kauna-unahang single sa Pilipinas na milyun-milyong kopya ang nabenta.
Naging signature song ito ni Pilita sa weekly musical TV show nito sa ABS-CBN noong 1964, ang An Evening with Pilita, isa sa mga highest rater at most awarded program sa kasaysayan ng local television.
Ang recording ni Pilita ng mga luma at orihinal na Philippine Love Songs ang hudyat ng umpisa ng golden age sa Philippine pop music noong dekada ’70.
Tinangkilik at inawit ng mga Pilipino ang kanyang mga sikat na kanta tulad ng "Dahil Sa Iyo," "Hinahanap Kita," at "Irog Ako ay Mahalin."
Ang mga bagong bersiyon ni Pilita na may modernong pop touch ang dahilan kaya napansin ng mga batang mahilig sa musika ang mga lumang kanta.
Popular at madalas ding pinatutugtog noon sa radyo ang "O Maliwanag na Buwan" at "Ang Pipit."

Si Pilita ang unang Pilipinong nanalo ng Best Performer Award sa 1st Tokyo Music Festival noong 1972.
Tumanggap din siya ng maraming pagkilala, kabilang ang lifetime achievement award mula sa Philippine Association of the Recording Industry (PARI) dahil sa kanyang mga hindi matatawarang kontribusyon sa local entertainment industry.
Nang ipagdiwang ni Pilita ang ika-87 kaarawan, nararapat talagang sariwain at kilalanin ang kanyang mga ambag, kahit bihira na siyang masilayan ng publiko.
Read: Pilita Corrales sympathizes with "former balae" Nora Aunor who has lost her singing voice
Editor's note: This article has been updated on April 12, 2025 when the passing of Pilita was announced by her family.