Ang tagumpay ng Lolo and The Kid sa Netflix Philippines at sa ibang bansa ang nag-udyok kay Joel Torre para magbigay discount sa mga maglolo na pupunta at kakain sa mga sangay ng kanyang pag-aaring restaurant, ang JT’s Manukan Grille.
"Promo ni Lolo Para Sa Apo, The Grands That Bonds" ang tawag ni Joel sa kanyang pakulo.
Ang mga batang edad sampu pababa ay makakakuha ng 20 percent discount kapag kasama nilang kumain sa resto ang kanilang lolo, na siyempre pa'y may senior discount na.
Ito ang paraan ng pasasalamat ni Joel sa lahat ng mga patuloy na tumatangkilik sa Netflix Philippines ng pelikulang pinagbibidahan nila ng child actor na si Euwenn Mikaell.
Read: Lolo and the Kid, Pulang Araw namamayagpag sa Netflix
Para sa mga lolong kasama ang mga apo nilang may edad sampu pababa ang discount promo ni Joel sa JT's Manukan branches.
Sampung taon kasi ang edad ng karakter na ginampanan ni Euwenn sa Lolo and The Kid.
Nag-umpisa ang promo ni Joel noong Agosto 20, 2024, at matatapos ito sa Agosto 31, 2024.
POSITIVE REVIEWS
Maligayang-maligaya si Joel dahil sa mainit na pagtanggap ng publiko sa proyekto nila ni Euwenn na nananatili sa Top 2 list ng mga pelikulang pinapanood sa Netflix Philippines.
Positibo ang mga karamihan ng mga komento ng Netflix viewers sa kuwento at mga eksena ng Lolo and The Kid.
Hindi lamang sina Joel, Euwenn, at JK Labajo ang nakatatanggap ng mga papuri sa kanilang mahusay na pagganap dahil kinikilala rin ang galing sa pag-arte ng mga artistang may espesyal na partisipasyon sa pelikula.
Kabilang dito sina Alfred Vargas, Shaina Magdayao, Iza Calzado, Meryll Soriano, Joem Bascon, at si David Minemoto na gumanap na Kuya Taba.
May mga eksena si Joel sa Lolo and The Kid na nagpapaalaala sa manonood kay Eddie Garcia, ang multi-awarded actor na sumakabilang-buhay noong Hunyo 20, 2019, dahil sa kanilang magkaparehong sensitibong pagganap.
Nakapagpaiyak sa mga nanood ng Lolo and The Kid ang madamdamin na pag-awit ni JK, na gumanap bilang adult Kid, sa "Through The Years."
Ang "Through The Years" ay ang kantang pinasikat ng American singer na si Kenny Rogers (August 21, 1938 – March 20, 2020) noong 1981.
Para sa amin, ang sariling bersiyon ni JK sa "Through The Years" ang isa sa mga pinakamaganda at nakakaantig ng pusong cover version ng walang kamatayang kanta ni Rogers.