Hindi lamang ang banta ng infectious viral disease na Mpox (monkeypox) ang ikinababahala ngayon ng mga Pilipino.
Pinangangambahan din ang balita tungkol sa African Swine Flu (ASF) outbreak sa ating bansa kaya kinatatakutan ngayon ang pagbili at pagkain ng karne ng baboy.
Apektado ng isyu tungkol sa ASF ang kabuhayan ng ating mga mahihirap na kababayan na tinatawag na backyard hog raisers dahil umiiwas ang publiko na bumili at kumain ng Pinoy pork.
Ang nadagdagan na presyo-kada-kilo ng retail price ng manok ang isa sa mga epekto ng ASF scare at ayon ito sa Department of Agriculture.
Mataas ngayon ang public demand sa manok dahil bilang pag-iingat, umiiwas ang karamihan sa pagbili at pagkain ng karne ng baboy.
JULIA, UMAPELA PARA SA LOCAL PORK INDUSTRY
Ang aktres na si Julia Montes ang unang showbiz personality na nagsabi na ligtas kumain ng Pinoy pork kaya walang dapat ikatakot ang mga tao.

“I love to eat lechon, so huwag po tayong matakot kumain ng Pinoy pork because pork is fun,” ang pahayag ni Julia na buung-buo ang suporta sa Filipino backyard hog raisers.
Isa sa mga masugid na tumutulong sa backyard hog raisers sa Pilipinas ang nakausap ng Cabinet Files at ikinalulungkot niya nang labis ang isyu tungkol sa ASF kaya malaking tulong ang suporta at pahayag ni Julia na walang dapat ikatakot sa pagkain ng Pinoy pork.
“We are helping the Pinoy pork farmers dahil sa isyu ngayon ng ASF at takot ngayon ang mga tao na kumain ng pork.
“We are helping the poor fork farmers especially ang mga backyard. Very safe kumain ng Pinoy pork and there’s nothing to be scared. Sabi nga ni Julia, huwag matakot kumain ng Pinoy pork.”
Pinatotohanan din ni Chester Warren Tan, ang presidente ng National Federation of Hog Farmers na walang dapat ikabahala ang publiko tungkol sa ASF.
Sinabi niya sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News na mahigpit na nagdaan sa inspeksyon ng National Meat Inspection Service ang mga karne ng baboy na ibinebenta sa mga supermarket.
Bilang patotoo na ligtas kainin ang karne ng baboy, ipinakita ng hog industry members ang pagkain nila ng lechon sa harap ng mga television camera.