Trigger Warning: Mention of rape, sexual abuse
Popular search sa social media ngayong Martes, Agosto 27, 2024, ang pangalan ng award-winning musical director na si Danny Tan.
Ito ay dahil sa rebelasyon sa senado ni Gerald Santos na si Tan ang diumano’y humalay sa kanya noong labinlimang taong gulang lamang ang singer.
Read: GMA insiders stunned by mention of "rape" in Gerald Santos senate testimony
Matapos pangalanan ni Gerald si Tan, naging marahas sa paghuhusga ang netizens na kinokondena ang mabigat na paratang ng singer laban sa dating musical director.
Makikita ito sa mga matatapang na komento sa Facebook page ni Gerald.
Muling humarap si Gerald sa Senate Committee on Public Information and Mass Media hearing ngayong Martes.
Sa opisyal na pahayag na kanyang binasa, binanggit na niya ang pangalan ni Tan.
“Ngayon po ay handa ko nang harapin ang tunay kong kalaban — ang nanghalay at umabuso sa akin noong ako po ay 15 years old pa lamang: si Mr. Danny Tan,” pagsisiwalat ni Gerald.
Read: Gerald Santos speaks up about "sexual harassment" at 15

GERALD SANTOS THANKS GMA NETWORK
Nagpasalamat naman si Gerald sa GMA-7 dahil nalaman nitong may aksyon na ginawa ang kanyang dating home network sa reklamo niya noon.
Pahayag niya: “Isang kaluwagan po sa akin na malaman officially na merong ginawa ang GMA laban sa taong aking inakusahan, nineteen years ago.
“Kung sana lamang po ay napagbigyan ang aming pormal na kahilingan noong February 28, 2011 na kami ay maabisuhan man lamang po sa naging resulta ng imbestigasyon ng GMA ay maaaring noon pa po ay nagkalakas na ng loob kami at nakapag-file ng kaso sa tamang hukuman.
“Ganoon pa man ay maraming salamat sa GMA sa pag-aksyon po, sa aksyon po na kanilang ginawa sa complaint na idinulog ko.”
Idinagdag ni Gerald na hanggang ngayon ay ipinagmamalaki niya ang minsang pagiging Kapuso dahil malaki ang naitulong sa kanya ng GMA-7 para makilala at magkaroon siya ng pangalan sa entertainment industry.
"I apologize kung naging mapaghanap po ako sa network. Ako po ay isang bata lamang noon na may matayog na pangarap.
"Ang GMA po ang itinuring kong tahanan, sandigan, at pader ng mga panahong yun.
"Uulitin ko po na hindi ako makikilala at magkakapangalan sa industriya kung hindi dahil sa GMA.
"Up until now, proud po ako na minsan ako ay naging Kapuso!"
Si Gerald ang grand champion sa second season ng Pinoy Pop Superstar noong 2005.
Si Tan ang isa resident judge ng dating singing search ng GMA-7.
Read: Gerald Santos, nilinaw na hindi GMA Network ang kanyang kalaban
GERALD SANTOS BENT ON FILING A CASE AGAINST DANNY TAN
Dahil labingsiyam na taon na ang nakalilipas buhat nang mangyari ang diumano’y pang-aabuso kay Gerald, pinag-aaralang mabuti ng kanyang abogado ang kasong puwedeng isampa laban kay Tan.
Ilang oras matapos pumunta sa senado, inilabas ni Gerald ang saloobin nito tungkol sa mga nangyari sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Tiniyak niyang magsasampa siya ng kaso laban kay Tan.
Aniya, “Attended the Senate Hearing for the 2nd time. Gusto ko lang po magpasalamat sa lahat ng message of encouragement at support nyo sa akin.
“Naa-appreciate ko po ang lahat ng messages nyo sadyang hindi ko lang masagot sa dami.
“Ang luwag sa dibdib ko ngayon na aking pinangalanan na ang umabuso sa akin kanina sa senado. Unti unti ay nakakamit ko na ang hustisya at dadalin na namin ito sa hukuman.
“Ang akin pong paglabas tungkol dito should not be a lost cause. Ito sana ay magsilbing inspirasyon sa lahat ng mga biktima ng sexual abuse na hindi ninyo kailangang matakot dahil now more than ever ay naaalis na ang stigma at pangmamata sa mga biktima ng ganitong karahasan.
“At sa mga taong gumagawa ng hindi tama at inaabuso ang kanilang posisyon, bilang na ang mga araw ninyo.
“This is a stern warning sa inyo na walang lihim ang hindi mabubunyag!”