Hands-on ang pag-aasikaso ni Mark Bautista sa kanyang anniversary concert na Mark My Dreams.
Pinakikialaman niya ang lahat, pati na ang poster ng kanyang concert na itatanghal sa The Theatre ng Solaire Resort & Casino, Parañaque City, ngayong Sabado, Agosto 31, 2024.
Read: Mark Bautista, pangarap i-promote ang talents mula sa Cagayan de Oro

Sa panayam sa kanya ng Cabinet Files, sinabi ni Mark na ipakikita sa Mark My Dreams concert ang mga pangarap niyang natupad at ang mga pangarap na hindi pa nangyayari.
Nagpapasalamat si Mark dahil marami sa mga inimbitahan nitong kasamahan sa music industry ang pumayag agad magkaroon ng partisipasyon sa kanyang concert. Kabilang na rito sina Erik Santos, Christian Bautista, at Regine Velasquez.
Excited na sabi ng singer, “First time ko na makakasama sa stage si Katrina Velarde at si Jona.
"First time ko rin makakatrabaho yung mga baguhan, sina Arthur Nery at Rob Deniel.
“First time ko makakasama ang cast ng concert na ako ang direktor, yung Mr. Streisand, sina Franco Laurel at Audie Gemora. May special appearance sila, may gagawin kami.”
Read: Mark Bautista, naging malaya pagkatapos maglabas ng libro
THE FULL MONTY NUMBER WITH VIVAMAX ACTORS
Bibigyang pugay ni Mark sa Mark My Dreams ang mga musical play na kanyang pinagbidahan noon—Noli Me Tangere The Musical, Here Lies Love, Bituing Walang Ningning, The Band’s Visit, Eto Na!Musika nAPO, at The Full Monty.

Makakasama ni Mark sa The Full Monty production ng kanyang anniversary concert ang Vivamax actors na sina Marco Gomez, Mon Mendoza, Migo Valid, at Milo Cruz.

Ang pagbibida sa Here Lies Love at pagganap niya sa katauhan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang itinuturing ni Mark na isa sa mga hindi malilimutang karanasan dahil nabigyan siya ng pagkakataong magtanghal sa Royal National Theatre, London.

“Ang pinaka-memorable sa akin, in terms sa career, was noong nagpunta ako sa London.
"Sobrang rare na makapag-perform sa National Theatre and nabigyan ako ng opportunity to perform nang matagal.
"Sobrang tini-treasure ko yon," nakangiting pahayag ni Mark, na maligayang-maligaya dahil soldout ang tickets para sa Mark My Dreams.