Mag-uumpisa ang pagbabago sa timeslot ng Wil To Win sa darating na Lunes, Setyembre 16, 2024.
Mapapanood na ito mula 5 P.M., at hindi na sa dating oras na 4:30 ng hapon.
Inanunsiyo ni Willie Revillame ang bagong oras ng pagsisimula ng kanyang game show at public service program sa TV5 nitong Biyernes, Setyembre 13.
Read: Willie Revillame, nagbabala laban sa mga scammer sa Wil To Win
“Starting Monday po, 5 P.M. na tayo magsisimula dahil wala na tayong 'Sakorera.'
"Kasi ang gusto ninyo, lumabas na agad ako ng ala-singko. Sama-sama agad tayo kaya tuluy-tuloy na po ang saya,” sabi ni Willie.
Napatunayan umano sa pag-aaral na ginawa ng TV5 management na mas gusto ng televiewers na napapanood agad siya kaya aalisin na ang "Sakorera" game segment na natutunghayan mula 4:30 P.M. hanggang 5 P.M.
Ang "Sakorera" ay pinangangasiwaan ng kanyang co-hosts na sina Cindy Miranda, Boobsie Wonderland, Inday Fatima, Anna Ramsey. at Christine Bermas.
Read: Willie Revillame, nag-trending ulit dahil sa Family Feud viewer

WILLIE REVILLAME TO ANNOUNCE BIG CHANGES
Ibinalita rin ni Willie na bukod sa bagong timeslot ng Wil To Win, may higit na malaking pagbabago na magaganap sa mga programa ng TV5 sa Setyembre o susunod nang buwan.
Ayon kay Willie, “Marami rin kaming sorpresa at regalo this coming Pasko. Itong October, ano ang mangyayari sa Wil To Win? Abangan ninyo po ang aming announcement.
“Ano ang mangyayari sa TV5, marami pong bago. Abangan ninyo po lahat yan dahil importante ito para sa inyo.”
Muling namudmod si Willie ng mga jacket nitong Biyernes, pero pinili niyang bigyan ang matatandang babae o ang mga lola.
Nagalak ang mga tumanggap ng jacket nang malaman nilang may mga pera na nakalagay sa bulsa.
Ayon kay Willie, maagang pamasko niya ito para sa mga senior citizens na nagsasadya sa studio ng kanyang programa sa Novaliches, Quezon City.
Sabi ni Willie, “Alam ninyo ho, walang kuwenta itong studio kung wala kayo rito.
“Palakpakan, sigawan, yan ang nagbibigay inspirasyon sa akin, sa aming lahat dito.
“Aanhin mo ang studio na ’to kung wala naman nagmamahal sa programang ito. Aanhin mo ang mga camera na yan kung wala naman nakikinig at nanonood sa yo?”
Read: Willie, itinangging hanggang December 2024 na lang ang Wil To Win