Trigger warning: disturbing images
Ligtas na sa kapahamakan si Arom Arunroj, ang 64-year-old Thai woman na nilingkis ng 13-foot na sawa sa loob ng dalawang oras sa kanyang bahay na inuupahan sa Samut Prakan, Phra Samut Chedi district, Thailand, noong Setyembre17, 2024.
Read: 64-year-old woman battles 4-meter python for two hours
Pero natatakot pa rin ang mga residente dahil nakatakas ang reticulated python na itinuturing na pinakamahaba sa buong mundo.
Nakunan ng video ang pagliligtas kay Arunroj ng mga miyembro ng Phra Samut Chedi Police Station at ng mga tauhan ng Poh Teck Tung Foundation.
Tumagal ng kalahating oras ang tulong-tulong na pag-aalis sa mahigpit na pagkakapulupot ng sawa sa katawan ng biktima.
Pagkatapos maalis ang reticulated python sa katawan ni Arunron, isinakay ang biktima sa ambulansiya at dinala sa pinakamalapit na ospital.
Read: Husband arrested for phone stalking his wife, calling her 100 times a day
SAWA, NAKATAKAS
Sa kasamaang-palad, nakatakas ang reticulated python habang nakatuon ang atensiyon ng lahat sa pagtulong kay Arunroj.
Pinaniniwalaang tumakas ang sawa papunta sa gubat ng kawayan na naghatid ng pangamba sa mga residente dahil baka bumalik ito.
Tatlong oras na naghalughog ang mga pulis para matukoy ang kinaroroonan ng sawa.
Nabigo man, nakahuli sila ng reticulated python na may habang 1.20 meters, isang green pit viper, at isang green vine snake na mapanganib na namumugad sa naturang lugar.
Pinag-iingat ang mga naninirahan sa Samut Prakan dahil naglipana rito ang iba’t ibang uri ng ahas tulad nga ng mga sawa at makamandag na cobra.
Read: Man dies after 23 of his teeth are removed in a single session
Isang malaking isyu sa buong mundo ang nakapangingilabot na karanasan ni Arunroj na hindi makapaniwala sa nangyari sa kanya.
Ibinalita ito ng CNN, New York Times, The Washington Post, ABC News, at maraming iba pa.
Sinubukan ni Arunroj na manlaban sa pamamagitan ng pagsunggab sa ulo ng sawa, na ilang beses siyang kinagat.
Pero hindi umubra ang lakas niya sa mahigpit na pagkakalingkis sa kanya.
Nanghihina at maputlang-maputla si Arunroj nang mailigtas siya matapos ang dalawang oras na pagkakapulupot sa kanya ng sawa.
Natagpuan ang biktima sa nakakatakot na sitwasyon nito dahil masuwerteng narinig ng isang tao na nagdaraan ang kanyang impit na paghingi ng saklolo.