May kuwento sa likod ng pagiging "buzzer beater" ni Willie Revillame nang maghain ito ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa pagkasenador.
Hanggang ala-singko lamang ng hapon ng Martes, Oktubre 8, 2024 ang huling oras at araw na itinakda ng Commission on Elections para sa paghahain ng kandidatura sa itinalagang tent sa Manila Hotel.
Ganap na 4:30 ng hapon, habang nasa private function room si Willie ng Rizal Park Hotel, nasaksihan ng Cabinet Files nang sabihin ni Willie sa mga kasama nitong hindi na siya tutuloy sa pagkandidato.
Ito ay kahit inanunsiyo na ng home network niyang TV5 at inilabas na ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang eksklusibong panayam sa kanya tungkol sa kumpirmasyon ng pagtakbo niya sa 2025 elections.
Read: Willie Revillame confirms run for senator in 2025 elections
Nakita ng Cabinet Files na umiiyak si Willie habang sinasabi ang kanyang desisyong umatras, at nag-iyakan din ang mga kasamahang nagulat sa biglang pagbabago ng kanyang isip.
Nasa function room din ang kaibigan ni Willie, si Manila City mayoralty candidate Sam Verzosa. Hindi rin daw ito makapaniwala sa narinig, napayuko, nag-sign of the cross, at nagdasal.
Ipinaliwanag ni Willie sa mga kasama nito ang mga dahilan ng kanyang pasyang talikuran ang pagkandidato at ang mga pangyayaring itinuturing niyang mga senyales.
Pero isang tawag sa telepono ang natanggap ni Willie na tila nagpagaan sa kanyang kalooban at nagbigay-linaw sa gumugulo sa kanya.
Hindi pa niya ipinamamahagi kung sino ang kanyang nakausap.
Kaya sa pinakahuling sandali, nagpunta siya sa Manila Hotel tent para maghain ng certificate of candidacy.
Read: Willie Revillame, tuloy pa rin sa pag-host ng Wil To Win?
WILLIE REVILLAME MAKES SERIES OF CALLS
Isang araw bago nagtungo si Willie sa Manila Hotel tent, tinawagan daw niya sa telepono noong Lunes, Oktubre 7, ang ilang kilalang personalidad bilang respeto at para sabihan ng kanyang planong tumakbo.
Ito ay sina TV5 Chairman Manny V. Pangilinan, Vice President Sara Duterte, Senator Raffy Tulfo, isang tauhan ng Malacañang Palace, at mga kapwa niya senatoriables na sina Tito Sotto at Erwin Tulfo.
Matapos maghain ng kandidatura, nagpunta si Willie sa TV5 complex sa Mandaluyong City para sa interbyu sa kanya ng hosts ng The Big Story, na sina Regina Lay, Shawn Yao, at Gretchen Ho.
Read: Willie Revillame, posible pa ring magbago ang isip
Hanggang sa pag-uwi sa kanyang bahay sa Quezon City, hindi raw dinalaw ng antok si Willie dahil sa halu-halong emosyong nararamdaman at sa bagong kabanata ng buhay na tatahakin niya.
Isang araw naman matapos maghain ng kandidatura, bumalik si Willie sa Novaliches studio para sa live telecast ng Wil To Win nitong Miyerkules ng hapon, Oktubre 9.
Notice: This article falls under promotional material for a politician's candidacy.